Pagtuntong sa Japan, Uganda, nagka-COVID-19
ni MC - @Sports | June 22, 2021

Isa sa miyembro ng Tokyo 2020 Olympic squad ng Uganda ang nagpositibo sa coronavirus pagdating nito sa Japan. Ito umano ang unang pagkakataon na may overseas team na nakumpirmang nagpositibo sa infection ng coronavirus.
Siyam na atleta at coaches ang dumating nitong Sabado ng gabi sa Narita airport malapit sa Tokyo at isa sa manlalaro nila ang nagpositibo sa virus sa screening na ginawa sa airport. Ayon sa ulat, agad na dinala ang atleta sa idinisenyong facility ng Japan habang ang iba ay tumulak na papunta sa kanilang host city na Osaka kung saan sila magsasagawa ng training camp. Base sa impormasyon, lahat ng miyembro ng team ng Uganda ay nakatanggap ng shots ng AstraZeneca vaccine at nagnegatibo sa loob ng 72 hours bago pumunta sa Japan.
Nakatakdang magsimula ang naunsiyaming Tokyo 2020 Summer Games sa July 23 sa kabila nang pangambang ang pagdating ng libo-libong katao mula sa iba’t ibang sulok ng mundo ay makadaragdag sa pagkalat ng COVID-19 sa Japan. Pagdedesisyunan pa ng organizers kung papayagan ang domestic spectators sa stadium para sa Games. Una nang ipinagbawal ang foreign spectators. Target ng Tokyo 2020 president na magkaroon ng 10,000 katao kada-venue, kahit pa winarningan na ng government health experts kaugnay sa negatibong epekto sa pagpapasok ng audiences.
Para sa opening ceremony, ikinokonsidera ang pagpapasok ng mahigit 20,000 katao na lalahok. Pangalawa ang Uganda team sa grupo ng foreign athletes na dumating sa torneo kasunod ng pagdating ng Australian women's softball squad noong June 1.
Samantala, isang posibleng practice game kontra China, na magsisilbing final test para sa Gilas Pilipinas, ang niluluto ng Samahang Basketbol ng Pilipinas bago tumulak ang PH national team pa-Serbia para sa kanilang kampanya sa FIBA Olympic Qualifying Tournament (OQT) sa June 30. Umaasa si head coach Tab Baldwin na magkahaharap ng Philippine team ang Chinese team bago tumulak ang koponan sa kanilang sariling OQT games sa Canada. "We're very hopeful that we might get a practice game against China, who is also staying here before they go to Canada for more preparations for themselves," ani Baldwin matapos ang 82-77 na panalo kontra sa Korea nitong Linggo.





Comments