Pagtitimpi at tamang paghawak ng emosyon, sa training palang dapat inaayos na!

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 23, 2020
Nakakikilabot ang video na nag-viral sa social media na kuha mismo ng isang saksi sa krimen kung paano pinaslang sa pamamagitan ng baril ng isang pulis ang magkayakap na mag-ina.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, ang suspek ay nakilalang si Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca, 46-anyos, residente ng Purok 2, Barangay Cabayaoasan, Paniqui, Tarlac at kaanib ng Paranaque City Police Crime Laboratory.
Nasawi noon din ang biktimang sina Sonya Gregorio, 52, at ang anak nitong si Frank Anthony Gregorio, 25, na kapwa nagtamo ng mga tama ng 9 mm kalibre ng baril, bandang alas-5:10 ng hapon noong nakaraang Linggo.
Mabilis na tumakas ang suspek lulan ng motorsiklo ngunit bandang alas-6:19 ng hapon ng araw ding ‘yun ay tumawag ang Rosales, Pangasinan PNP sa Tarlac PNP upang ipaalam na sumuko na sa kanila ang salarin bitbit ang baril na ginamit sa krimen.
Marami ang nakapanood ng video at kitang-kita nating lahat kung paano hawakan ng suspek ang sitwasyon matapos maingayan sa paputok na kung tawagin ay ‘boga’ na gawa sa PVC pipe o minsan ay sa kawayan na karaniwang naglalabasan kapag papalapit ang bagong taon.
Sa umpisa pa lamang ay kapansin-pansing umiral na ang personal na galit ng suspek sa mga biktima dahil may namamagitan palang hidwaan sa kanila hinggil sa right of way ng mga biktima sa likurang bahagi ng lupa ng suspek.
At nang pakantang sumagot ng ‘I don’t care’ si Sonya sa gitna nang pakikipagkomprontasyon nito sa anak ng suspek ay dito na tila nagdilim ang paningin ni Nuezca at agad na pinaputukan ng ilang ulit ang magkayakap na mag-ina at parang walang nangyaring umalis palayo.
Noon pa lang 2010 ay nasuspinde itong si Nuezca; 2013 ay nasampahan ng kasong grave misconduct; 2014 ay nasampahan ng less grave neglect of duty dahil ayaw sumailalim sa drug test; 2016 ay kasong serious neglect of duty naman dahil sa hindi ito dumalo sa hearing kung saan siya mismo ang testigo at dalawang kaso ng homicide noong 2019.
Ang hindi pa maganda ay kitang-kita ang mga kabaro ni Nuezca na ipinagtatanggol pa siya sa social media noong una, pero noong inulan na ang mga ito ng basher ay nabahag ang mga buntot at kani-kanya ng pag-alis ng kanilang posting.
Marahil panahon na para gawing regular ang pagsasailaim sa mga pulis sa evaluation at neuro psychiatric exam upang makasigurong nasa katinuan pa ang marami sa ating alagad ng batas.
Sa training pa lamang bago sila maging pulis ay sinanay na silang sinisigawan, minumura, kaunting kibot ay sinasaktan sa loob ng mahabang panahon kaya ano ang inaasahan nating magiging trato nila sa kanilang inaaresto.
Kung ano siyempre ang kanilang natutunan ay ‘yun din ang kanilang gagawin kaya marahil ay panahon na para rebisahin ang sistema at repasuhin ang pagsasanay para maging ganap na pulis ang nais maging pulis.
Natural lang na madamay ang kabuuan ng Philippine National Police (PNP) dahil sa hanay nila nagmula ang iskandalo at kasalanan nila kung bakit hinahayaan nilang mahaluan ng bulok ang kanilang pulutong.
Totoo namang hindi lahat ng pulis ay masama ngunit hindi maitatangging marami na rin ang mga pulis na kasiraan na sa organisasyon at dapat nang alisin para hindi pamarisan.
At hindi natin maitutuwid ang bulok na sistema sa PNP kung hindi magkakaroon ng panibagong pag-aaral kung paano magiging epektibo ang ginagawang pagsasanay para makapag-produce tayo ng maayos na pulis.
Hindi natin sinasabing mali ang ginagawang pagsasanay ng mga nais mag-pulis, ang sinasabi natin ay baka may mali na dapat baguhin para hindi maapektuhan ang kaisipan ng mga nagsasanay bago maging ganap na pulis.
Parang kalakaran na sa mga pulis ang kaunting kibot ay nakasuntok, nakasipa sa mga inaaresto lalo na sa mga mahihirap nating kababayan dahil ito rin ang kanilang dinanas sa kanilang training at parang nais nilang gumanti.
Kung hindi ito matitigil ay hindi malayong sa mga darating na panahon ay may isa na namang Nuezca na maaaring masangkot sa karumal-dumal na krimen na ang tanging dahilan lamang ay ang nakasanayang pananakit, hindi mahinahong desisyon, kulang sa pagtitimpi at maiksi ang pasensiya.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments