top of page
Search
BULGAR

Pagtatalo ng mag-utol sa naging saksi sa huling habilin ng ama

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 13, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta, 


Ako ay may tito sa probinsya na nakapagpundar ng malaking negosyo. Sa kasamaang palad ay nagkaroon siya ng malubhang sakit na nakaapekto sa kanyang negosyo. Dahil dito ay napilitan siyang mangutang sa isa sa kanyang mga matalik na kaibigan at kasosyo sa ibang negosyo. ‘Di kalaunan ay namatay na rin ang aking tito. Nang isinasaayos na ng mga anak niya ang kanyang mga naiwang ari-arian ay napag-alaman ng bunso niyang anak na may naiwan pala siya na huling habilin. Tutol naman ang panganay nilang kapatid sa pagpapatupad ng nasabing huling habilin. Ayon sa panganay na anak, wala diumanong bisa ang huling habilin ng kanilang ama dahil diumano isa sa mga tumayong saksi sa paggawa nito ang kaibigan na pinagkakautangan ng kanilang ama. Dahil diumano may interes sa pera ng kanyang ama ang isa sa mga naging pormal na saksi ay walang bisa diumano ang huling habilin ng kanilang ama. Dahil dito ay nagtatalo ang bunso at panganay na anak ng tito ko sa pagpapatupad ng kanyang huling habilin. Ngayon ay gusto naming humiling ng payo tungkol dito. Totoo ba na walang bisa ang isang huling habilin kapag tumayong saksi sa paggawa nito ang pinagkakautangan ng namatay? Sino ba ang mga maaaring tumayong testigo para sa paggawa ng huling habilin? Sana ay mapaliwanagan ninyo kami. Salamat. – Max


 

Dear Max,


Bilang kasagutan sa iyong katanungan, tayo ay sasangguni sa New Civil Code of the Philippines na naglalahad ng mga kuwalipikasyon ng isang saksi sa paggawa ng huling habilin.


Ayon sa Artikulo 820 ng nasabing batas, sinumang nasa tamang pag-iisip; nasa edad na 18 pataas; na hindi bulag, bingi o may pagkukulang sa kaisipan; at kayang magbasa at magsulat, ay maaaring maging saksi sa paggawa ng huling habilin. Nakasaad naman sa Artikulo 821 ng katulad na batas na ang mga hindi nakatira sa Pilipinas at napatunayan sa korte na nagkasala ng falsification of document, perjury, o false testimony ay hindi maaaring tumayong saksi sa paggawa ng huling habilin. 


Sinumang mayroong kuwalipikasyon mula sa nabanggit na batas ay itinuturing na may legal na kakayahan na tumayo bilang saksi sa paggawa ng isang huling habilin upang maging ganap na wasto ang pagkakagawa nito. 


Patungkol naman sa kung ang isang pinagkakautangan ng namayapa ay maaaring tumayong saksi sa huling habilin nito, malinaw din na nakasaad sa New Civil Code of the Philippines na:


“Article 824. A mere charge on the estate of the testator for the payment of debts due at the time of the testator's death does not prevent his creditors from being competent witnesses to his will.” 


Ibig sabihin ng nabanggit na batas, ang pagkakaroon ng utang ay hindi dahilan para pagbawalan ang pinagkakautangan na maging saksi sa huling habilin ng taong may utang. At dahil dito, hindi maaaring mawalan ng bisa ang huling habilin ng iyong tito dahil lang sa pagkakaroon ng utang nito sa isa sa mga naging saksi ng paggawa ng kanyang huling habilin. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page