Pagtatago ng homosexuality o lesbianism, basehan para ma-annul ang kasal
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 05, 2021
Dear Chief Acosta,
Labis ang aking pagkalugmok nang malaman kong lesbian pala ang aking napangasawa. Ito ay aking nalaman at nakumpirma matapos ang limang buwan mula nang kami ay ikinasal. Sa aking palagay ay malabo nang maayos ang aming pagsasama. Dahil dito, nais ko malaman kung maaaring mawalan ng bisa ang aming kasal gawa ng
mga kadahilanang ito. – Mike
Dear Mike,
Ang sagot sa inyong katanungan ay opo. Para sa inyong kaalaman, nakasaad sa mga probisyon ng Executive Order No. 209, o mas kilala sa tawag na Family Code of the Philippines ang batas tungkol sa annulment ng kasal dahil sa homosexuality o lesbianism, viz:
“Art. 45. A marriage may be annulled for any of the following causes, existing at the time of the marriage: xxx
(3) That the consent of either party was obtained by fraud, unless such party afterwards, with full knowledge of the facts constituting the fraud, freely cohabited with the other as husband and wife; xxx.
Art. 46. Any of the following circumstances shall constitute fraud referred to in Number 3 of the preceding Article: xxx
(4) Concealment of drug addiction, habitual alcoholism or homosexuality or lesbianism existing at the time of the marriage. xxx
Art. 47. The action for annulment of marriage must be filed by the following persons and within the periods indicated herein: xxx
(3) For causes mentioned in number 3 of Articles 45, by the injured party, within five years after the discovery of the fraud; xxx.” (Binigyang-diin)
Base sa nabanggit na mga probisyon ng batas, malinaw na maaaring ma-annul ang kasal kapag nagkaroon ng pagtatago o pagkukubli ng homosexuality o lesbianism ng isang partido sa kasal sapagkat ito ay itinuturing bilang panlilinlang o fraud. Gayunman, upang matagumpay na maisampa ang kaso para ma-annul ang kasal, alinsunod sa mga nabanggit, nararapat na maisampa ito sa loob lamang ng limang taon mula nang ito ay madiskubre ng asawang pinagkublihan ng homosexuality o lesbianism.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sumangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments