Pagtanggi ng serbisyong medikal dahil sa HIV status, labag sa batas
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 23, 2025

Dear Chief Acosta,
Dinala ako sa ospital nitong nakaraang linggo dahil sa isang injury sa tuhod. Sa emergency admission form, kinailangan kong ilahad ang aking HIV status, at ako ay reactive. Dahil dito, tahasang tinanggihan ng doktor na gamutin ako. Wala nang ibang paliwanag na ibinigay, at sinabi nilang pumunta na lang ako sa ibang ospital. Pakiramdam ko ay nadiskrimina ako. May pananagutan ba ang doktor dahil sa pagtanggi niya na gamutin ako? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat po.
– RR
Dear RR,
Tungkulin ng pamahalaan na palaging pangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan nito. Dahil sa patuloy na pagbabago ng panahon, isa sa mga hamong kinakaharap ng ating komunidad ay ang matinding epekto ng Human Immunodeficiency Virus o HIV sa mga Pilipino.
Ang Republic Act (R.A.) No. 11166, na kilala rin bilang “Philippine HIV and AIDS Policy Act,” ay ipinasa upang tugunan ang mga isyung may kaugnayan sa diskriminasyon laban sa mga Persons Living with HIV (PLHIV). Tinutukoy ng batas na ito na ang pagtanggi ng serbisyong medikal at pangkalusugan ay isang anyo ng diskriminasyon kung ang pagtanggi ay nakabatay sa HIV status ng isang tao. Ayon sa Section 48(g) ng nasabing batas:
“Section 49. Discriminatory Acts and Practices. - The following discriminatory acts and practices shall be prohibited:
(g) Discrimination in Hospitals and Health Institutions. - Denial of health services, or being charges with a higher fee, on the basis of actual, perceived or suspected HIV status is discriminatory act and is prohibited;”
Malinaw mula sa nasabing probisyon ng batas na ang mga ospital at institusyong pangkalusugan ay hindi maaaring tumangging magbigay ng serbisyong medikal sa isang pasyente batay lamang sa kanyang HIV status. Ang ganu’ng gawa ay itinuturing na diskriminasyon at itinuturing na iligal.
Upang sagutin ang iyong tanong, maaaring nakagawa ang doktor na tumingin sa iyo ng isang iligal na gawain sa ilalim ng R.A. No.11166 kung mapatutunayan na tinanggihan ka niya ng serbisyong medikal para sa iyong nasugatang tuhod dahil lamang sa iyong HIV status. Ang parehong batas ay nagtatakda ng pagkakakulong at/o multa para sa mga paglabag sa Section 49. Ayon sa Section 50(g) ng R.A. No.11166:
“Section 50. Penalties. -
(g) Any person who shall violate any of the provisions in Section 49 on discriminatory acts and practices shall, upon conviction, suffer the penalty of imprisonment of six months to five years, and/or a fine of not less than P50,000, but not more than P500,000, at the discretion of the court, and without prejudice to the imposition of administrative sanctions such as fines, suspension or revocation of business permit, business license or accreditation, and professional license; and”
Nawa ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Nais naming ipaalala na ang opinyon na ito ay nakabase sa mga naisalaysay sa iyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang aming opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kang sasangguni sa isang abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.








Comments