Zero-balance billing at pinalakas na PhilHealth sa 2026 budget
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | December 23, 2025

Matapos ang ilang araw ng magdamagang talakayan sa panukalang 2026 national budget, sa wakas ay inaprubahan na rin ito ng Bicameral Conference Committee, kung saan naresolba na ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang kani-kanyang bersyon ng pambansang budget.
Una na nating binigyang-diin ang makasaysayang P1.38 trilyong pondong ilalaan sa sektor ng edukasyon na katumbas ng 4.5% ng Gross Domestic Product (GDP). Sa kauna-unahang pagkakataon, masusunod natin ang rekomendasyon ng UNESCO na maglaan ng 4 hanggang 6% ng GDP sa sektor ng edukasyon.
Maliban dito, tiniyak din natin na ang 2026 budget ay nakatutok sa kalusugan ng ating mga kababayan. Kasama sa mga pinatatag natin sa ilalim ng 2026 budget ay ang PhilHealth at ang zero-balance billing program ng pamahalaan.
Nakatakdang makatanggap ang PhilHealth ng kabuuang P129.7 bilyon. Bukod sa mandato ng pamahalaan na maglaan ng P69.7 bilyon para sa state insurer, may karagdagan pang P60 bilyon na ipinag-utos ng Korte Suprema na ibalik sa Philhealth mula sa National Treasury.
Dahil sa mas malaking pondong ito, binibigyan natin ng pag-asa ang mas marami pa nating mga kababayan na matustusan nila ang kanilang pangangailangang medikal.
Patatatagin din natin ang pagpapatupad ng zero-balance billing (ZBB) sa mga ospital ng Department of Health (DOH), mga local government units, at pati na rin sa mga specialty hospitals.
Tiniyak din natin na sa inaprubahang budget ay may probisyon na bawal manghimasok ang mga pulitiko sa pagpapamahagi ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP). Umabot sa P51 bilyon ang inilaan para sa MAIFIP sa susunod na taon.
Mahalagang maunawaan natin ang papel ng MAIFIP sa pagtulong sa ating mga kababayan. Sa kasalukuyan, punumpuno halos lahat ng ating mga pampublikong ospital, kabilang iyong mga nasa ilalim ng DOH. Dahil dito, napipilitan ang ating mga kababayang pumunta sa mga pribadong ospital, kung saan sinasagot ng PhilHealth ang 40% o hanggang kalahati ng mga hospital bills.
Ngunit marami sa ating mga kababayan ang hirap magbayad sa mga private hospital, lalo na kung napakalaki ng kanilang mga bayarin. Sa ganitong mga pagkakataon, makakatulong ang MAIFIP na mapunan ang kanilang mga gastusin. Sa madaling salita, hindi na dadaan pa sa mga pulitiko ang ating mga kababayan para sa kanilang hinihinging financial assistance na pambayad sa ospital at pambili ng mga gamot. Direkta na silang makakakuha ng tulong mula sa DOH o mga ospital. Ito ang tinitiyak natin sa 2026 national budget.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments