Akala ni Sec. Ralph Recto 'safe' na siya sa kaso, hindi pala, kasi kinasuhan siya ng 'Save the Philippines Coalition’
- BULGAR

- 46 minutes ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 23, 2025

PAGBUBULGAR LANG KASI ANG GINAWA NI PRRD LABAN KAY CONG. ERIC YAP, PERO KUNG PINAKASUHAN NA NIYA ITO NOON, MATAGAL NA SANA ITONG NAKAKULONG, ‘DI NA RIN SANA NAGING CONG. UTOL NIYANG SI EDVIC YAP – Noong Disyembre 28, 2020, ibinulgar ng noo’y Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD), batay sa ulat na isinumite sa kanya ng Presidential Anti-Crime Commission (PACC), na ang noo’y ACT-CIS party-list Representative na si Eric Yap—na siya ring House Committee on Appropriations chairman—ay sangkot umano sa mga katiwalian sa mga infrastructure project ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ang problema noon, hanggang pagbubulgar lamang ang ginawa ni PRRD. Wala siyang naging hakbang upang atasan ang noo’y Ombudsman Samuel Martires na sampahan ng kaso si Cong. Eric Yap.
Kung noon pa lamang ito kinasuhan, malamang ay matagal na siyang nakakulong, hindi na naging kongresista ng Benguet, at hindi na rin sana naging nominado—at kalaunan ay ACT-CIS representative—ang kanyang kapatid na si Cong. Edvic Yap. Boom!
XXX
KAHIT HINDI TUMESTIGO ANG MGA EMPLEYADO NG PAMILYA DISCAYA LABAN SA KANILA, SWAK NA SWAK PA RIN SA KASO MAG-ASAWANG DISCAYA – Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, may natanggap siyang impormasyon na umano’y pinagbabantaan ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ang kanilang mga empleyado—na may mangyayaring masama sa kanila sakaling tumestigo laban sa mag-asawa.
Sa totoo lang, kahit hindi pa man tumestigo ang mga empleyado laban sa kanila, sapat na ang dami ng ebidensiya ng mga ghost, substandard, at unfinished flood control projects upang maisakdal ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya sa mga kasong malversation, bribery, at graft. Swak na swak. Period!
XXX
MALI ANG AKALA NI SEC. RECTO NA SAFE NA SIYA SA KASO, KASI KINASUHAN SIYA NG SAVE THE PHILIPPINES COALITION – Bagamat ayon sa Supreme Court (SC) ay unconstitutional ang utos noon ng noo’y Finance Secretary at ngayo’y Executive Secretary Ralph Recto na ilagak ang P60 billion PhilHealth reserved fund sa national treasury—kaya’t inutusan ng Korte Suprema na ibalik ang pondong ito sa PhilHealth—sinabi rin ng SC na walang criminal liability ang kalihim sa naturang aksyon.
Akala ni Executive Secretary Recto na ligtas na siya sa kaso, pero mali ang akala niya. Nakakita ng “butas” ang grupong Save the Philippines Coalition sa naging aksyon niya noon, kaya’t isinampa ng koalisyon ang mga kasong plunder, graft, at technical malversation laban sa kalihim sa Office of the Ombudsman. Boom!
XXX
KUNG AKALA NG MGA NAULILANG PAMILYA NI CABRAL NA WALA NA ITONG KASO KASI PATAY NA, MALI SILA KASI KAHIT DEAD NA ITO TULOY PA RIN ANG KASO – Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na hindi nabubura ng kamatayan ng isang tao ang pananagutan nito sa batas. Kaya’t hahabulin ng pamahalaan ang yumaong former DPWH Usec. Ma. Catalina Cabral sa pamamagitan ng pagsasampa ng forfeiture case upang mabawi at maibalik sa kaban ng bayan ang mga ari-arian o kayamanan na nakaw.
Kaya’t kung akala ng mga naulilang pamilya ni Cabral na wala na itong kaso dahil patay na siya, nagkakamali sila. Mismong DOJ ang nagsabi na tuloy ang kaso kahit patay na ang former DPWH Usec. Period!








Comments