top of page

Pagtaas ng matrikula, stop muna

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 12
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Mar. 12, 2025



Boses by Ryan Sison

Kung marami ang hirap dulot ng mataas na presyo ng mga bilihin, marami namang mga estudyante ang dumaraing sa mataas na matrikula sa mga paaralan.


Kaya nanawagan na sa Commission on Higher Education (CHED) ang mga mag-aaral mula sa mga pribadong unibersidad na magpatupad ng moratorium sa pagtaas ng kanilang tuition fee, kung saan anila, makapagpapalala ito sa pasanin ng pamilya sa gitna ng taas-presyo ng mga pangunahing bilihin at bayarin.


Nagsumite na rin ang iba’t ibang grupo ng kanilang position papers sa CHED, at hiniling ng mga ito na itigil muna ang mas mataas na tuition para sa academic year 2025-2026.

Sa kanilang position paper, binigyang-diin ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) at Kabataan partylist, na dahil sa limitadong scholarships na ipinagkakaloob sa mga estudyante, marami sa kanila ang napilitang mag-part time job para lamang matustusan ang kanilang pag-aaral.


Iginiit din nila na ang panukalang pagtaas sa matrikula ay isang pasanin sa mga estudyante, maging sa kanilang pamilya. 


Dapat sigurong pakinggan natin ang mga hinaing ng mga estudyante at huwag na munang magtaas ng tuition ang mga kolehiyo o unibersidad.


Ramdam din ng mga ito ang pasanin ng kanilang mga magulang na kung saan-saan humahanap ng pagkakakitaan may maipambayad lamang sa matrikula nila at talagang iginagapang ang kanilang pag-aaral.


Kailangang maunawaan natin ang mga estudyante dahil hindi lahat ay kayang tustusan ng pamilya para makapagtapos sa kinuhang kurso. 


Gayundin, nagiging mabigat at isipin pa nila ang ganitong problema sa halip na nakatutok lamang sa kanilang mga aralin.


Kung titingnan natin, hindi ba’t labag sa constitutional provision kung saan nagsasaad na ang bawat mamamayan ay may karapatan sa edukasyon, at ang tuition fee increase ay taliwas sa naturang mandato?


Sana lang pag-isipang mabuti ng kinauukulan ang hiling na ito ng mga estudyante at ikonsidera ang pagkakaroon ng moratorium sa kanilang matrikula.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page