top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms

Pagsugpo sa mga groomers na tina-target ang mga kabataan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 27, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nitong nakaraang Martes, lumabas ang ulat mula sa National Bureau of Investigation (NBI) tungkol sa isang grupo ng mga ‘groomers’ na tinatarget ang mga menor-de-edad at inuudyok silang gumawa ng karahasan.


Ayon sa NBI, nagsasagawa ang naturang grupo ng ‘initiation’ kung saan hinihikayat nila ang kanilang mga kasapi na gumawa ng karahasan at iba pang mga gawaing ilegal. Karamihan sa mga kasapi ng grupong ito ay mga Pilipino, bagama’t meron ding mga dayuhang miyembro, ayon din sa NBI.


Matatandaang nakapasok ang NBI sa isang group chat ng grupong ito, kung saan may humigit-kumulang 1,000 na mga kasaping tinatarget ang mga kabataang 12 hanggang 19 taong gulang. Ngunit nawala din ang naturang group chat matapos itong pasukin ng NBI. Ayon sa ahensya, makikipagpulong ito sa Meta, ang kumpanyang nasa likod ng Facebook, upang humingi ng tulong sa gagawing imbestigasyon.


Kasalukuyan ding sinusuri ng NBI kung may kinalaman ba ang grupong ito sa naganap na pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University at sa ibang mga insidente ng karahasan sa ating mga paaralan. Bagama’t patuloy itong iniimbestigahan ng NBI, malinaw at hindi na natin maikakaila ang panganib at pinsalang dulot ng social media access sa mga menor-de-edad.


Kung ating babalikan, una na ring nagbabala ang Philippine Pediatric Society (PPS) at ang Philippine Society for Developmental and Behavioral Pediatrics (PSDBP) tungkol sa pinsalang dulot ng paggamit ng mga menor-de-edad ng social media lalo na kung hindi ito nababantayan ng mga magulang o guardians.


Maraming aspeto ang hamong ito at kailangan natin ng iba’t ibang mga solusyon. Una, kailangang tiyakin nating masusugpo nang tuluyan ang grupong ito ng mga groomers at mapapanagot natin sila.


Upang tugunan ang panganib na dulot ng social media sa ating mga kabataan, tinatalakay na ngayon sa Senado ang panukalang magpatupad ng social media ban para sa mga kabataang wala pang 16 taong gulang. Sa ilalim ng panukalang batas na ito, bibigyan natin ng mandato ang mga social media platforms na magpatupad ng mga hakbang upang tiyaking hindi sila magagamit ng mga users na wala sa tamang edad.


Patuloy din nating susuportahan ang pagpapatatag at epektibong pagpapatupad ng mga programang magtataguyod sa kaligtasan at kapakanan ng ating mga kabataan. Isa na rito ang School-Based Mental Health Program na may mandatong magpatupad sa bawat paaralan. 


Nariyan din ang Parent Effectiveness Service Program upang mapatatag natin ang kakayahan ng mga magulang sa paggabay sa kanilang mga anak.

 

Handang makipagtulungan ang inyong Senado sa iba’t ibang sektor, lalo na sa ating mga komunidad upang masugpo ang karahasan sa ating mga paaralan at maitaguyod ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page