top of page

Pagsasampa ng kasong medical malpractice sa doktor o surgeon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 days ago
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 15, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


May malubhang sakit ang ama ko kaya dinala namin siya sa ospital. Nakausap ko ang doktor niya na si Dr. Derek, at sinabi niya sa akin na ang ama ko ay kinakailangang sumailalim sa operasyon sa puso. Ipinaliwanag niya rin sa akin na may makabagong teknolohiya na ginagamit na sa ibang bansa na makatutulong diumano sa operasyon ng ama ko. Dahil dito ay pumayag ako na isagawa ang nasabing makabagong operasyon. Ngunit, pumanaw ang ama ko matapos ang isang linggo mula noong siya ay operahan. Sa aking palagay ay namatay ang ama ko dahil sa kapabayaan ng kanyang doktor. Maaari ko bang makasuhan ang doktor na nag-opera sa aking ama na naging dahilan ng kanyang kamatayan? — Noralyn



Dear Noralyn,


Ang medical malpractice ay isang partikular na anyo ng kapabayaan na kinabibilangan ng kabiguan ng isang doktor o surgeon na mailapat sa kanyang pagsasanay ng medisina ang antas ng pangangalaga at kasanayan na karaniwang ginagamit ng propesyon sa pangkalahatan, sa ilalim ng magkatulad na mga kondisyon, at sa nakapaligid na mga pangyayari. Ang konseptong ito ay ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong Elpidio Que vs. Philippine Heart Center, et al. (G.R. No. 268308, 02 April 2025) sa panulat ni Honorable Associate Justice  Mario V. Lopez, na nagbigay ng apat na elemento bago managot dahil sa kapabayaan ang isang doktor o surgeon sa mga kasong walang informed consent:


“Therefore, to successfully pursue such a claim, a patient must prove that the physician or surgeon either failed to do something that a reasonably prudent physician or surgeon would have done or that they did something that a reasonably prudent physician or surgeon would not have done and that the failure or action caused injury to the patient. In a lack of informed consent litigation, the plaintiff must prove the following: (1) the physician had a duty to disclose material risks; (2) the physician failed to disclose or inadequately disclosed those risks; (3) as a direct and proximate result of the failure to disclose, the patient consented to the treatment they otherwise would not have consented to; and (4) the patient was injured by the proposed treatment.”


Ayon sa nasabing desisyon ng Korte Suprema, kinakailangang mapatunayan na ang doktor o surgeon ay nabigong gumawa ng isang bagay na maaaring gawin ng isang makatuwirang maingat na doktor o surgeon, o kaya naman ay gumawa ang doktor o surgeon ng isang bagay na hindi gagawin ng isang makatuwirang maingat na doktor o surgeon.  


Sa mga kaso naman kung saan walang informed consent, kinakailangan na mapatunayan ang apat na bagay: (1) na ang doktor ay may tungkulin na ibunyag ang mga materyal na panganib; (2) na nabigo ang doktor na ibunyag o hindi sapat na naisiwalat ang nasabing material na panganib; (3) na bilang direkta at proximate na resulta ng kabiguan na ibunyag ang nasabing materyal na panganib, ang pasyente pumayag sa paggamot na kung naibunyag sana ang materyal na panganib ay maaaring hindi ito pumayag; at (4) ang pasyente ay nasaktan ng iminungkahing paggamot. 


Kung kaya’t sa iyong sitwasyon, kung hindi naisiwalat ni Dr. Derek ang mga materyal na panganib na maaaring idulot ng makabagong operasyon, at dahil dito ay napapayag kayo na sumang-ayon sa nasabing operasyon na kung naisiwalat sana ang materyal na panganib na maaaring idulot nito ay hindi sana kayo sasang-ayon, maaari siyang managot dahil siya ay may tungkulin na ibunyag ang mga ito bilang doktor na nag-opera sa iyong ama. Importante rin na mapatunayan na may kapabayaan ang iyong inirereklamong doktor na mailapat sa kanyang pagsasanay ng medisina ang antas ng pangangalaga at kasanayan na karaniwang ginagamit ng propesyon sa pangkalahatan, sa ilalim ng magkatulad na mga kondisyon, at sa nakapaligid na mga pangyayari.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page