ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Oct. 4, 2024
Dear Chief Acosta,
Dahil sa paulit-ulit na hindi pagkakasundo, nagdesisyon kaming mag-asawa na maghiwalay na lamang. Hindi ito naging mahirap para sa amin sa kadahilanang kami ay hindi naman biniyayaan ng anak. Sa pagnanais naming maging pormal ang aming paghihiwalay, nagpirmahan kami ng kasunduan sa barangay na wala na kaming pakialamanan. Maituturing bang legal at may bisa katulad ng annulment ang nasabing kasunduan at maaari na ba kaming ikasal sa iba? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat.
— Joana
Dear Joana,
Hindi maikakaila na ang pamilya ay ang pangunahing pundasyon ng ating lipunan. Likas sa ating kulturang Pilipino ang pagbibigay ng respeto sa institusyon ng kasal. Dahil sa pagbibigay ng halaga ng ating batas sa kasal, ang pagpapawalang-bisa nito ay kinakailangang dumaan sa korte.
Sa ilalim ng Seksyon 2 ng A.M. No. 02-11-10-SC o kilala bilang Rule on Declaration of Absolute Nullity of Void Marriages and Annulment of Voidable Marriages, ang nasabing petisyon ay maaaring ihain lamang sa Family Court. Ayon dito:
“Section 2. Petition for declaration of absolute nullity of void marriages.
(a) Who may file. - A petition for declaration of absolute nullity of void marriage may be filed solely by the husband or the wife. (n)
(b) Where to file. - The petition shall be filed in the Family Court.
(c) Imprescriptibility of action or defense. - An Action or defense for the declaration of absolute nullity of void marriage shall not prescribe.
(d) What to allege. - A petition under Article 36 of Family Code shall specially allege the complete facts showing that either or both parties were psychologically incapacitated from complying with the essential marital obligations of marriages at the time of the celebration of marriage even if such incapacity becomes manifest only after its celebration.
The complete facts should allege the physical manifestations, if any, as are indicative of psychological incapacity at the time of the celebration of the marriage but expert opinion need not be alleged.”
Batay sa Seksyon 3(b) ng parehong tuntunin, ang petition for annulment of voidable marriages ay sa Family Court lang din maaaring ihain:
“Section 3. Petition for annulment of voidable marriages.
(b) Where to file. - The petition shall be filed in the Family Court.”
Upang sagutin ang iyong katanungan, malinaw sa ating batas na ang pagdedeklara ng nullity of void marriage o annulment ay proseso ng hukuman at hindi maaaring gawin sa barangay lamang. Ang kasunduang inyong pinirmahan sa barangay ay hindi maituturing na legal at may bisa katulad ng annulment.
Dagdag pa rito, ang sinumang ikakasal muli habang hindi pa napapawalang-bisa ang naunang kasal ay maaaring managot sa krimen na bigamy ayon sa Article 349 ng Revised Penal Code of the Philippines:
“Art. 349. Bigamy. — The penalty of prision mayor shall be imposed upon any person who shall contract a second or subsequent marriage before the former marriage has been legally dissolved, or before the absent spouse has been declared presumptively dead by means of a judgment rendered in the proper proceedings.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments