Katahimikan ng pananampalataya at paninindigan
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 6, 2026

Linggo ng Palaspas, Lunes, Martes, at Miyerkules Santo—ang paghahanda sa Triduum ng Paskuwa. Ito ang tatlong pinakabanal na araw: Huwebes Santo (Paghuhugas ng Paa at pagtatatag ng Eukaristiya at Banal na Orden), Biyernes Santo, at Sabado de Gloria, na nagtatapos sa Linggo ng Pagkabuhay.
Kakaiba ang mga araw na ito. Nangingibabaw ang katahimikan. Tapos na ang matitinding pangyayari at banta sa buhay ni Kristo. Dumating na ang araw na paulit-ulit Niyang binanggit sa Kanyang mga alagad—ang araw na pilit nilang iniiwasan at tinatanggihan.
“Hindi po maaari na kayo’y pahirapan at patayin sa Jerusalem. Huwag po kayong pumunta roon kung ito ang naghihintay sa inyo.”
Ngunit tunay nga bang malasakit ang kanilang ipinapakita, o may halong pansariling interes? Tulad ng ina ng dalawang apostol na nakiusap:“Panginoon, maaari po bang ang aking dalawang anak ay maupo sa inyong kaliwa at kanan?”
Sumagot si Hesus: “Hindi ninyo alam ang inyong hinihingi. Ang Ama lamang ang magpapasya sa mga bagay na ito.”
Sa halip na ipakita ang Kanyang kapangyarihan, pinili ni Hesus ang katahimikan at pagpapakumbaba. Ayon kay San Pablo:
“Bagama’t Siya’y Diyos, hindi Niya ipinilit ang pagiging kapantay ng Diyos. Sa halip, hinubad Niya ito at nag-anyong alipin, naging katulad ng tao, at nagpakumbaba hanggang kamatayan sa krus.” (Filipos 2:6–11)
Tahimik Siya sa harap ni Pilato. Nang tanungin, “Ikaw ba ang Hari ng mga Hudyo?” sumagot Siya: “Ikaw na ang nagsabi.”
Tahimik Siya sa mga humagupit sa Kanya, sa nagputong ng koronang tinik, sa nagsugal sa Kanyang kasuotan, at sa nagpako sa Kanya sa krus. Sa Kanyang pitong huling salita, walang galit—kundi kapatawaran, kababaang-loob, at pag-ibig hanggang sa huling hininga.
Ganito rin ang tanawin tuwing Biyernes Santo at Sabado de Gloria sa maraming lugar sa bansa. Tahimik ang mga lansangan. Sarado ang mga mall, kainan, at pasyalan. Pansamantalang tumitigil ang karaniwang takbo ng buhay upang bigyang puwang ang Diyos. Sa katahimikan, mas malinaw Siyang matatagpuan.
Ngunit may isa pang anyo ng katahimikan.
Sa Pakil, Laguna, patuloy ang laban para sa kalikasan. Sa kabila ng katahimikan, may nagaganap na pagkakalbo at pagsira sa kabundukan. Unti-unting nawawala hindi lamang ang kalikasan, kundi pati ang kultura, kasaysayan, at kabanalan ng lugar.
Sa likod nito, may mga nananatiling tahimik—ang ilan ay dahil sa takot, ang iba’y dahil sa pakinabang.
May dalawang uri ng katahimikan:
Una, ang katahimikan ng mga nagbabantay at nagpapasalamat—yaong pinangangalagaan ang kalikasang ipinagkatiwala sa kanila.
Ikalawa, ang katahimikan ng mga piniling manahimik kapalit ng kapakinabangan—yaong nagbubulag-bulagan sa pagkasira ng kalikasan.
Ngayon, tahimik ang Pakil. Tahimik din tayo.
Ngunit ang katahimikan na ito ay hindi panghabang-buhay.
Pagkatapos ng panalangin at pagninilay, darating ang panahon ng pagsasalita. Muli nating ipaglalaban ang tama at sisigaw:
Huwag patayin ang kabundukan.Huwag sirain ang kalikasan.Huwag burahin ang kasaysayan at kultura ng Pakil.
Tulad ni Kristo na tumahimik upang tuparin ang Kanyang misyon, darating din ang sandali ng muling pagtindig at pagsasalita—upang ipagtanggol ang buhay.
Mabuhay ang Pakil! Itigil ang pagpatay sa kalikasan! Amen.




Comments