ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 14, 2024
Dear Chief Acosta,
Mayroon akong katanungan tungkol sa isang artikulong nakalathala online nitong nakaraang Sabado lamang. Ang nasabing artikulo ay paninirang puri tungkol sa aking mga paninda. Marami na pala ang nakakakita nito dahil lampas 300 ang “likes” at lampas 100 naman ang “shares” nito sa Facebook. Gusto ko sanang sampahan ng kasong cyber libel ang may kagagawan nito, ngunit ang nasabing artikulo ay sinulat at pinost noong taong 2021 pa. Maaari ko pa rin bang sampahan ng kaso ang may kagagawan nito kahit lampas tatlong taon na ang nakalipas? — Katrina
Dear Katrina,
Ang preskripsyon ng mga krimen ay ukol sa bilang ng panahon kung hanggang kailan puwedeng magsampa ng kaso laban sa gumawa ng krimen. Ito ay nagsisilbing limitasyon sa oras kung kailan dapat masimulan ang legal na aksyon kontra sa gumawa ng krimen. Kapag natapos na ang preskripsyon, ang mga otoridad ay wala nang karapatan para usigin at parusahan ang nasabing indibidwal para sa kanyang nagawang krimen. Bawat krimen ay may kanya-kanyang bilang ng preskripsyon na nakasaad sa Artikulo 90 ng Revised Penal Code of the Philippines:
“Art. 90. Prescription of crimes. - Crimes punishable by death, reclusion perpetua or reclusion temporal shall prescribe in twenty years. Crimes punishable by other afflictive penalties shall prescribe in fifteen years. Those punishable by a correctional penalty shall prescribe in ten years; with the exception of those punishable by arresto mayor, which shall prescribe in five years. The crime of libel or other similar offenses shall prescribe in one year. The offenses of oral defamation and slander by deed shall prescribe in six months.”
Madalas pinagtatalunan kung kailan nga ba magsisimula ang pagbilang ng isang taong preskripsyon sa kasong libel: kung simula ba ito sa pagkasulat ng artikulo o simula sa pagkadiskubre ng partidong apektado. Ayon sa ating batas, maaaring magsimulang tumakbo ang preskripsyon ng krimen mula sa pagkadiskubre ng apektadong partido. Matatagpuan ito sa Artikulo 91 ng Revised Penal Code of the Philippines:
“Article 91. Computation of prescription of offenses. - The period of prescription shall commence to run from the day on which the crime is discovered by the offended party, the authorities, or their agents, and shall be interrupted by the filing of the complaint or information, and shall commence to run again when such proceedings terminate without the accused being convicted or acquitted, or are unjustifiably stopped for any reason not imputable to him. The term of prescription shall not run when the offender is absent from the Philippine Archipelago.”
Para sa iyong katanungan, maaari mo pang sampahan ng cyber libel ang sumulat ng mapanirang artikulo online laban sa iyo kahit lampas tatlong taon na ang nakalipas, dahil nadiskubre mo lamang ito noong nakaraang Sabado. Mayroong kang isang taon mula nang iyong nadiskubre ang nasabing artikulo para magsampa ng kaso.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comentários