top of page

Pagsagip sa mga biktima ng human trafficking, dapat tuluy-tuloy

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 26
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Jan. 26, 2025



Boses by Ryan Sison

ISA sa mga problemang kinakaharap ng ating bansa ay ang mga kaso ng human trafficking, kaya nararapat na mabilis ang pag-aksyon dito ng mga otoridad. 


Ayon sa Bureau of Immigration (BI), apat na biktima ng human trafficking na nasa edad 28, 31, 35, at 43, ang nasagip ng mga miyembro ng kanilang Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 sa Pasay City nitong January 22.


Unang idineklara ng apat na biktima na sila ay mga officemates na patungo sa Hong Kong para magbakasyon, subalit ang hindi pagkakapare-pareho ng kanilang mga statement ay nag-udyok sa mga immigration officer na i-refer sila para sa secondary inspection.


Sa huli ay inamin na rin ng mga biktima na hindi sila magkaka-opisina, at isang travel agent ang nagbigay sa kanila ng mga fraudulent documents para lumabas sila na mga lehitimong turista.


Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na pinaghihinalaan na nila na ipapadala sila para magtrabaho bilang mga entertainer sa ibang bansa.


Inamin din nila na nagbayad sila ng P30,000 sa kanilang travel agency na nagbigay ng mga mapanlinlang na mga istorya at dokumento para sa kanila.


Aniya pa, napag-alaman sa imbestigasyon na tatlo sa apat na biktima ang dating ilegal na nagtatrabaho bilang entertainer abroad bago bumalik sa Pilipinas.


Gayundin, inamin ng isa sa kanila na ilegal na bumiyahe sa pamamagitan ng maliit na bangka sa Southern region ng bansa noong nakaraan para makaiwas sa immigration inspection at makapagtrabaho sa ibang bansa.


Sa ngayon ay nasa Inter-Agency Council Against Trafficking ang lahat ng mga biktima para sa karagdagang imbestigasyon at tulong.


Mabuti at agad na nailigtas ang mga naturang kababayan sa tiyak na kapahamakan. 


Kadalasan kasi ang mga tourist worker ay dinadaya o niloloko ng kanilang mga recruiter na magpakita ng mga mapanlinlang na mga dokumento o mag-travel sa mga ilegal na paraan.


Marahil sa kagustuhan din nila na makapagtrabaho sa ibang bansa kaya lahat ng paraan ay kanilang gagawin.


Hindi naman natin masisisi ang mga kababayan na makapag-isip ng ganyan dahil pangarap lang naman nila na mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya, at nakikita nilang mangyayari lamang ito kapag sila ay nakapag-abroad.


Kaya sa kinauukulan, sana ay maresolbahan na talaga ang suliranin natin sa unemployment. Kung lahat ng mamamayan o kahit isa o dalawa sa isang pamilya ay nagtatrabaho sa ating bansa, sa tingin ko, hindi na sila mag-iisip pang maghanapbuhay abroad habang unti-unting mababawasan ang mabibiktima ng human trafficking. 


Gayundin sana, tuluy-tuloy ang ginagawang pagsagip sa mga kababayan at pagtugis naman sa mga human trafficker na ‘yan at parusahan sa kanilang kasalanan para hindi na sila makapambiktima pa.


Sa mga kababayan, alalahanin sana natin na peligroso at mahirap pumasok sa mga ilegal na gawain dahil posibleng hindi na tayo makalabas pa rito, at maaaring sa huli ito pa ang maging sanhi ng ating kapahamakan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page