top of page

Pagsabog ng Mt. Kanlaon, may banta sa kalusugan, ingat!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 11, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Dec. 11, 2024



Boses by Ryan Sison

Matapos ang pagsabog ng Mt. Kanlaon sa Negros Occidental, posibleng magdulot ito ng panganib sa kalusugan ng mga kababayan sa naturang lugar.


Kaya naman agad na binalaan ng Department of Health (DOH) ang mga naninirahan malapit sa bulkan laban sa tinatawag na respiratory illness at potensyal na health risks na maaaring makaapekto sa mga tao dahil sa ashfall.


Sinabi ng DOH na ang volcanic ash ay maaaring magdulot ng iritasyon sa respiratory tract, lalo na sa mga indibidwal na may pre-existing conditions, gaya ng asthma o hika at chronic obstructive pulmonary disease.


Ang mga ash particles ay maaaring magdulot naman ng pamumula, pangangati, at pananakit sa mata, at ang matagal na pagkakalantad sa abo ay posibleng humantong sa pagkakaroon ng mga pantal sa balat. 


Gayundin, maaaring magkaroon ng kontaminasyon sa tubig habang pinapataas ng ashfall ang banta ng mga waterborne disease. 

Pinaalalahanan na rin naman ng DOH ang kanilang Centers for Health Development (CHDs) o regional offices na tiyaking may sapat na suplay ng N95 masks, eye protection o goggles, water purification tablets o filters, mga gamot, hand sanitizers at antiseptic wipes para sa mga residente na naroroon.


Dapat na mas maging alerto ng ating mga kababayang malapit sa Mt. Kanlaon dahil anumang oras ay maaaring pumutok muli ang bulkan na magdulot ng lahar sakaling makatagpo ng tubig ang tinatawag na pyroclastic density currents. 

Hindi rin dapat kalimutan na magsuot ng mask at goggles at iba pang proteksyon laban sa pagkalat ng ashfall.  


Mas magiging ligtas din tayo kung mananatili na lang muna sa bahay, lalo na iyong mga may sakit sa paghinga dahil tiyak na mapanganib ito sa kalusugan. Pero kung nag-abiso na ang lokal na pamahalaan na kailangan nang lumikas sa lugar ay agad naman tayong sumunod sa kanila. 


Sa ganitong sitwasyon, kailangang mag-ingat tayo nang husto at alagaan ang sarili dahil siguradong matinding epekto ang mararanasan natin kung paiiralin ang kapabayaan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page