top of page
Search
BULGAR

Pagrehistro ng “trademark” para sa negosyo

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 23, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nagtayo ako ng isang laundry shop o palabahan sa aming barangay at naniniwala ako sa potensyal nito na lumaki. Gusto kong ipa-trademark ang logo ng aking negosyo para maprotektahan ito, pero hindi ko alam kung paano magsimula sa prosesong ito. Maaari ba ninyo akong gabayan sa proseso ng pagpaparehistro ng trademark para sa aking logo?


— Justine


 

Dear Justine, 


Isa sa mga pinakamahalagang hakbang sa pagtatayo ng isang negosyo ay ang pagprotekta sa brand o tatak nito, na makatutulong upang makilala at maalala ng mga kostumer ang mga produkto o serbisyo ng isang negosyo. Ang logo ng isang negosyo ay isang uri ng trademark na pinangangalagaan ng batas.


Ang “trademark” ay isang simbolo o marka na ginagamit upang kilalanin ang mga produkto o serbisyo ng isang negosyo at maipakita ang pagkakaiba nito mula sa iba pang negosyo. Ito ay matatagpuan sa Seksyon 121.1 ng Republic Act No. (R.A) No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines. Ayon dito:


Sec. 121.1. “Mark” means any visible sign capable of distinguishing the goods (trademark) or services (service mark) of an enterprise and shall include a stamped or marked container of goods


Ayon sa Sections 145 at 146 ng R.A No. 8293, ang isang rehistradong trademark ay may bisa sa loob ng 10 taon mula sa araw ng pagpaparehistro at maaaring i-renew nang paulit-ulit para sa parehong haba ng panahon.


Kapag nakarehistro ang isang trademark, tanging ang may-ari nito lamang ang may karapatan na gamitin ito. Mapoprotektahan nito ang isang negosyo laban sa mga counterfeit o mga hindi awtorisadong produkto. 


Sa pangkalahatan, kung nais mong iparehistro ang nasabing logo ng iyong laundry shop o palabahan, maaaring kumuha ng Trademark Application Form sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL). Kailangan ninyong magsumite ng malinaw na kopya ng logo sa nasabing opisina. Gayundin, kailangang magsumite ng listahan ng mga produkto o serbisyong nasasakupan. Matapos nito, ang IPOPHL naman ay magsasagawa ng trademark search upang matiyak na walang kapareho o kahawig na nakarehistrong trademark. Pagkatapos ng pagsusuri ng IPOPHL at walang problema, ilalagay nila ito sa e-Gazette para bigyan ng oportunidad ang publiko na kumontra o magpasa ng kanilang oposisyon sa aplikasyon, kung mayroon man. Kung wala namang oposisyon, irerehistro ng IPOPHL ang trademark at magbibigay ito ng Certificate of Registration.


Para sa kumpletong requirements at proseso sa pagkuha ng trademark, maaari mong tingnan ang Memorandum Circular No. 2023-001, na may petsang 10 Enero 2023, na inilabas ng IPOPHL at ang kanilang Citizen’s Charter.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page