top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Pagpili ng susunod na Santo Papa, ‘wag sanang maging political contest

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 27, 2025
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Apr. 27, 2025



Boses by Ryan Sison

Napakahalaga sa kabuuan ng Simbahang Katoliko ang itinatalagang Santo Papa. Ang kanyang buhay at mga mabubuting katangian ay nagsisilbing ehemplo o modelo, hindi lang sa hanay ng kaparian kundi pati na sa lahat ng mga mananampalataya. 


Ang pagpanaw ni Pope Francis ay nagdulot ng malaking puwang sa puso ng bawat isa. Gayunman, siya na minahal ng buong mundo ay nag-iwan naman ng magagandang mga halimbawa na maaaring tularan at ipagpatuloy ng susunod na Santo Papa.


Para sa obispo ng Diocese of Kalookan at isa sa mga electors sa nalalapit na conclave na si Cardinal Pablo Virgilio David, dapat na mag-alay ng panalangin ang mga Romano Katoliko para sa mga kardinal na silang maghahalal ng kahalili ng yumaong Pope Francis sa susunod na buwan. 


Sa isang post sa social media, sinabi ni Cardinal David na ang pagdarasal ay magiging isang mas mabuting hakbang kaysa itulak ang ilang kandidato na maging Santo Papa. 


Sinabi ng kardinal, mainam na samahan natin ang mga electors sa ating mga panalangin, at hindi ang masunod ang ating mga kagustuhan. Aniya, mag-ayuno tayo laban sa ispekulasyon habang magdiwang na may pag-asa. Hikayatin din ang isa’t isa na palalimin ang ating pananampalataya, na nagtitiwala na ang Panginoon -- na hindi tinalikuran ang Kanyang Simbahan -- ay muling magtatalaga ng isang pastol ayon sa Kanyang sariling napupusuan. 


Inihalintulad din niya ito kay Kristo na ganap na banal at ganap na tao, kung saan nananatili ang pagka-Diyos at namumuhay bilang tao ayon sa misyon ng Simbahan.


Pinaalalahanan naman ni Cardinal David ang lahat na ang eleksyon ng isang pope o papa ay hindi isang political contest kundi ito’y isang spiritual discernment. 


Mabuti ang iminungkahing ito ng kardinal na taimtim na ipagdasal ng bawat mananampalataya ang hihiranging susunod na Santo Papa. 


Hilingin natin sa Diyos na ibigay sa atin ang nararapat na lider ng Simbahang Katoliko, iyong puno ang puso ng pagmamahal, pagmamalasakit at paglilingkod sa kanyang kapwa kagaya ni Hesukristo. Hindi nabahiran ng anumang pag-iimbot habang nagtuturo at nagpapabatid sa lahat  ng tunay na kaalaman sa ating Panginoon. 


Nawa’y samahan din ng Banal na Espiritu ang ating mga kardinal sa kanilang pagpili ng susunod ng Santo Papa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page