ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 14, 2024
Dear Chief Acosta,
Siyam na taon na akong kasal sa aking asawa. Nakatira kami sa bahay ng kanyang pamilya. Puro siya pangako na bubukod kami, pero ilang taon na ang nakalilipas ay nakikitira pa rin kami. Mahal namin ang isa’t isa at masaya kami sa mga unang taon ng aming pagsasama, ngunit sa paglipas ng mga taon, napalitan ito ng mga pagtatalo at hindi pagkakasundo, na pinalala ng patuloy na pakikialam ng kanyang ina.
Gayundin, nilimitahan ko ang aking pakikisalamuha at napalayo sa aking mga kaibigan. Sa kabaligtaran, laging lumalabas ang aking asawa kasama ang kanyang mga kaibigan. Dahil dito, tuluyang napalayo ang aming damdamin sa isa’t isa. Kahit ganito ang sitwasyon, nananatili pa rin naman kami sa iisang bubong, bagaman hindi na ako nasisiyahan sa aming kasalukuyang sitwasyon. Maaari ko bang ipawalang-bisa ang aking kasal? -- Bing
Dear Bing,
Ang ating Saligang Batas ay nagtakda ng isang patakaran na nagpoprotekta at nagpapalakas sa pamilya bilang pangunahing institusyong panlipunan, at sa kasal bilang pundasyon ng pamilya. Ang pag-aasawa, bilang isang hindi nalalabag na institusyon na protektado ng Estado, ay hindi maaaring mapawalang-bisa sa kagustuhan lamang ng mga partido.
Sa mga petisyon para sa deklarasyon ng kawalang-bisa ng kasal, ang may obligasyong magpatunay para ipakita ang kawalan ng bisa ng kasal ay nakasalalay sa nagsampa ng kaso. Maliban kung ang ebidensya ay malinaw na nagpapakita ng isang sitwasyon kung saan ang mga partido, o isa sa kanila, ay hindi maaaring pumasok sa isang kasal, hindi igagawad ng korte ang hinihinging deklarasyon ng kawalang-bisa ng kasal. Isa na nga sa mga sitwasyong ito ang pagkakaroon ng malubhang sakit na sikolohikal na umiiral sa oras na ipinagdiwang ang kasal.
Kaugnay nito, ang ating Korte Suprema sa kasong Mary-Christine C. Go-Yu vs. Romeo A. Yu (G.R. No. 230443, 03 April 2019), ay nagpasya sa pamamagitan ng noon ay kasamang mahistrado na naging kagalang-galang na Punong Mahistrado Diosdado M. Peralta na ang isang hindi kasiya-siyang kasal ay hindi basehan ng kawalang-bisa ng kasal:
“The Court understands and commiserates with petitioner’s frustration over her marital woes. However, ‘[t]o be tired and to give up on one’s situation and on one’s [spouse] are not necessarily signs of psychological illness; neither can falling out of love be so labeled. When these happen, the remedy for some is to cut the marital knot to allow the parties to go their separate ways. This simple remedy, however, is not available to us under our laws. Ours is x x x a limited remedy that addresses only a very specific situation — a relationship where no marriage could have validly been concluded because the parties, or [where] one of them, by reason of a grave and incurable psychological illness existing when the marriage was celebrated, did not appreciate the obligations of marital life and, thus, could not have validly entered into a marriage. Outside of this situation, this Court is powerless to provide any permanent remedy.”
An unsatisfactory marriage is not a null and void marriage. This Court has repeatedly stressed that Article 36 of the Family Code is not to be confused with a divorce law that cuts the marital bond at the time the causes therefor manifest themselves. It refers to a serious psychological illness afflicting a party even before the celebration of the marriage. It is a malady so grave and so permanent as to deprive one of awareness of the duties and responsibilities of the matrimonial bond one is about to assume. Resultantly, it has always been held that mere irreconcilable differences and conflicting personalities in no wise constitute psychological incapacity.
Ayon sa nabanggit na kaso, ang mapagod at sumuko sa sitwasyon ng mag-asawa ay hindi palatandaan ng sikolohikal na sakit. Kung kaya, gaya sa iyong sitwasyon, kung ikaw ang magsasampa ng kaso, mayroon kang obligasyong patunayan at ipakita ang kawalan ng bisa ng iyong kasal. Kailangan mong makapagpakita ng ebidensya na magtatatag ng sitwasyon kung saan ikaw at/o ang iyong asawa ay hindi maaaring pumasok sa kasal dahil sa isang malubhang sakit na sikolohikal na umiiral sa oras na kayo ay ikinasal. Malinaw sa diskusyon ng Korte Suprema, ang isang hindi kasiya-siyang kasal ay hindi nangangahulugan na walang bisa ang isang kasal.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments