top of page

Pagpapaturok ng IV glutathione, delikado

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 28, 2025
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Jan. 28, 2025



Boses by Ryan Sison

Para sa mga nagnanais na magkaroon ng mapuputi at maging malasutla ang kanilang mga balat, dapat na mag-ingat sa mga gagamiting gamot at iba pang katulad nito.  

Nagpaalala kasi ang Philippine Dermatological Society (PDS) sa publiko na ang intravenous (IV) glutathione ay hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) para gamiting pampaputi.


Ayon sa naturang samahan, wala pang kahit anong clinical trial na nagsuri at nagpatunay kung epektibo ang paggamit ng injectable glutathione para sa skin whitening.


Ginawa ng PDS ang babala, kasunod ng nag-viral na video ng isang babae, kung saan hindi na niya maidilat ang kanyang kanang mata makaraan umanong maimpeksyon matapos na sumailalim sa IV glutathione treatment sa hindi tinukoy na pasilidad.

Sa video ng naturang babae, dahil na rin sa takot na posibleng mabulag humingi ito ng dasal para sa kanyang mabilis na paggaling. Sinisisi naman niya ang nurse at sinabing nabigo itong gawin ang procedure ng tama.


Ayon naman sa FDA, “There are also no published guidelines for appropriate dosing regimens and duration of treatment. The FDA has not approved any injectable products for skin lightening. Injectable glutathione is approved by FDA Philippines as an adjunct

treatment in cisplatin chemotherapy.” 


Sinabi rin ng kagawaran na marami pang maaaring side effects ang paggamit ng injectable glutathione na pagpapaputi ng balat, kabilang na rito ang toxic effects na posibleng makaapekto sa atay, bato, at nervous system ng isang indibidwal. Naaapektuhan din nito ang produksyon ng melanin sa katawan, kung saan may epekto sa kulay ng ating balat, mata, at buhok. 


Babala rin ng FDA, may malalang epekto ang maaaring idulot ng intravenous (IV) glutathione, na posibleng maka-develop ng long term skin cancer ang mga magpapa-inject.


Sa ating mga kababaihan, hindi biro ang mangyayari sakali mang mali ang mga gamot na gagamitin natin o kaya naman ay ipapagawa para lamang gumanda.


Gayundin, ang basta pagpapaturok ng mga katulad na glutathione ay may masamang epekto sa ating kalusugan lalo na kung hindi naman aprubado mismo ng FDA.


Kumbaga, ang ganitong mga procedure o treatment ay talagang delikado, kaya sana ay suriin muna nating mabuti habang dapat na ikonsulta natin ito sa mga doktor.


Burahin sana natin sa ating kaisipan ang sinasabing tiis-ganda dahil baka sa halip na mas gumanda at umayos tayo ay sa ospital pa ang ating kabagsakan. 


Mas mainam na tanggapin na lamang natin kung anong kagandahan na mayroon tayo dahil ang mahalaga naman ay ang nilalaman na kabutihan ng ating puso.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page