Pagpapatupad ng travel bubble sa NCR Plus, paigtingin!
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 24, 2021
Ipinatupad na ng national government ang karagdagang paghihigpit sa Metro Manila at iba pang karatig-lalawigan na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) mula noong Lunes hanggang Abril 4 ng taong kasalukuyan.
Ito ay inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng Inter-Agency Task Force Resolution No. 104 dahil sa hindi na mapigilang pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Bukod sa National Capital Region ay kabilang ang Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal o ang NCR Plus sa ilalim ng GCQ ay pinaiiral ang unified curfew hours mula alas-10: 00 ng gabi hanggang alas-5: 00 ng madaling araw kabilang na ang pagsasara ng ilang mga negosyo at dine-in sa mga kulob na etablisimyento.
Hindi na rin muna pinahihintulutan ang pagdalo sa mga misa sa mga simbahan o kahit anong religious gatherings maliban sa kasal, binyag at funeral services na limitado lamang sa sampu katao ang maaaring dumalo.
Sa ilalim din ng naturang resolusyon ang essential travel o ang may mahalagang layunin lamang ang maaaring payagang makalabas o makapasok ng NCR Plus.
Tinawag itong “travel bubble” dahil tanging ang mga naninirahan lamang sa NCR Plus ang papayagang makabiyahe sa nasasakupan ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Sa loob ng dalawang linggo ay makararanas nang paghihigpit ang buong bahagi ng NCR Plus dahil sa hindi papayagang makapasok ang kahit sinumang manggagaling sa ibang lalawigan.
Ganoon din naman ang mga taga-NCR Plus na pansamantalang hindi rin papayagang makaluwas patungo sa ibang lalawigan maliban na lamang kung may napakabigat talagang dahilan para payagan silang makabiyahe.
Ipinatutupad ang “travel bubble” upang hindi gaanong malugmok ang ating ekonomiya dahil may pagkakataon pang makabiyahe ang mga taga-NCR Plus sa mga lugar sa sakop nito.
Isang malaking harang din ang “travel bubble” para mapigilan ang pagtawid ng COVID-19 sa labas ng NCR Plus habang tinutugunan ito ng pamahalaan na masugpo sa lalong madaling panahon.
Maaaring magbiyahe ang authorized persons outside their residences (APORs) tulad ng essential workers, health at emergency frontline services personnel; government officials at government frontline personnel at duly-authorized humanitarian assistance actors.
Kabilang din sa papayagan ang persons traveling for medical or humanitarian reasons; persons going to the airport for travel abroad, returning overseas Filipinos at overseas Filipino workers (OFWs) basta magpapakita lamang ng kaukulang work identification cards.
Hindi rin pipigilan ang mga naka-schedule na flights maliban na lamang kung ito ay hindi mahalaga at nais lamang magbakasyon ngayong Mahal Na Araw.
Napakabigat nang kinahaharap nating sitwasyon dahil halos walong libo na araw-araw ang naitatalang kaso ng COVID-19 at ayon sa OCTA Research Team ng UP ay posibleng umabot pa ito sa 20,000 kada araw ngayong Abril kung hindi ito agad matutugunan.
May mga pagamutan tayo ngayon na talagang punuan na at maging ang mga hallway ng mga ito nakatambak na ang mga pasyenteng naghihintay na mabigyan ng medikasyon na hindi agad natutugunan.
Kung pakikinggan natin ang kuwento ng ilang health workers ay higit umanong malala ang kasalukuyang sitwasyon dahil may pagkakataong kinakapos na sa oxygen regulators na nagiging sanhi ng pagkamatay ng ilan sa mga pasyente.
Kinukumpra nila sa matinding bangungot ang muling pagsirit na ito ng kaso ng COVID-19 na mas grabe pa umano kumpara noong nakaraang taon na tila warzone na ang sitwasyon.
Ang mga detalyeng ito ay hindi naglalabasan sa mainstream media, ngunit hindi maawat ang mga kuwentong ito ng mga health workers na umiiyak habang isinasalaysay o nagpo-post ng kanilang karanasan sa social media.
Hindi naman malayong totoo ang mga detalyeng ito dahil sa pami-pamilya na sa kasalukuyan ang nahahawa sa COVID-19 at may travel bubble na tayo para hindi na kumalat pa ang virus na ito.
Walang makatutulong sa ating sarili kung hindi ang pagsusuot ng facemask, face shield, physical distancing at regular na paghuhugas ng mga kamay habang hinihintay ang pautay-utay na pagdating ng bakuna sa Pilipinas.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments