Kalusugan ay karapatan at hindi pribilehiyo; sapat na gamot para sa lahat, meron na
- BULGAR

- 4 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | January 29, 2026

Patuloy ang paalala ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa mga accredited clinics na huwag biguin ang tiwala ng taumbayan pagdating sa serbisyong pangkalusugan.
Sa ilalim ng “Yaman ng Kalusugan Program” (YAKAP), malinaw ang direktiba ng ahensya na tiyakin ang sapat na suplay ng mahahalagang gamot at panatilihin ang mataas na pamantayan ng serbisyo para sa mga miyembro ng PhilHealth.
Dahil sa ilang naunang reklamo hinggil sa kakulangan ng gamot, iginiit ng PhilHealth na handa at available na ngayong taon ang 21 essential medicines sa mga YAKAP-accredited primary care facilities sa buong bansa. Ayon sa isang opisyal ng ahensya, may karapatan ang bawat miyembro na makinabang sa mga gamot na ito sa klinikang kanilang pinili at pinag-enroll-an.
Kasama sa listahan ng mga libreng gamot ang mga karaniwang kailangan ng pamilyang Pinoy, mula sa antibiotics tulad ng amoxicillin, co-amoxiclav, cotrimoxazole, nitrofurantoin, ciprofloxacin, at clarithromycin, hanggang sa oral rehydration salts para sa dehydration. Nar’yan din ang prednisone, salbutamol, fluticasone + salmeterol, paracetamol at chlorphenamine.
Para sa mga may maintenance, sakop din ang gliclazide at metformin para sa diabetes; simvastatin para sa cholesterol; enalapril, metoprolol, amlodipine, hydrochlorothiazide, at losartan para sa altapresyon; pati aspirin bilang pang-iwas sa komplikasyon sa puso.
Hindi lamang tulong ang YAKAP; ito rin ay pangako na ang kalusugan ay karapatan ng lahat, hindi pribilehiyo. Sa isang bansang maraming Pinoy ang nagdadalawang-isip magpatingin dahil sa gastos, ang sapat na suplay ng essential medicines ay malaking ginhawa para sa kanila.
Ang sapat na suplay at maayos na serbisyo ay konkretong sukatan ng malasakit. Kapag tuluy-tuloy ang implementasyon ng YAKAP, mas nagiging abot-kamay ang serbisyong pangkalusugan at mas nararamdaman ng taumbayan na may silbi ang kanilang kontribusyon at may balik ang kanilang pinagpaguran.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments