Pagpapabaya sa kalusugan ng anak, may pananagutang kriminal

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 10, 2026

Dear Chief Acosta,
May pamangkin akong menor-de-edad na madalas naming nakikita na bigla na lamang dagliang nanginginig at tumitirik ang mga mata. Sa kasamaang palad, ang mga magulang nito ay pinagwawalang-bahala lamang ito. Sinasabi nila na wala lamang ito at saka na lamang ipapatingin sa doktor ang bata. May pananagutan ba ang aking tito at tita dahil sa kanilang pagsasawalang-bahala sa kalagayan ng kanilang menor-de-edad na anak? — Jay
Dear Jay,
Sa ating Saligang batas, malinaw na itinatakda ang pananagutan ng Estado na protektahan at ipagtanggol ang mga bata sa anumang uri ng pang-aabuso at itaguyod ang mga karapatan nito. Isa sa mga pangunahing batas na tumutugon dito ay ang Republic Act (R.A.) No. 7610 o ang "Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act." Sa Section 10 (a) ng nasabing batas, nakasaad na:
Section 10. Other Acts of Neglect, Abuse, Cruelty or Exploitation and Other Conditions Prejudicial to the Child's Development. –
Any person who shall commit any other acts of child abuse, cruelty or exploitation or to be responsible for other conditions prejudicial to the child's development including those covered by Article 59 of Presidential Decree No. 603, as amended, but not covered by the Revised Penal Code, as amended, shall suffer the penalty of prision mayor in its minimum period.
Sa kaso na Gonzalo A. Araneta vs. People of the Philippines (G.R. No. 174205, June 27, 2008, Ponente: Honorable Associate Justice Minita Chico-Nazario), ipinaliwanag ng Kataas-taasang Hukuman ang nasabing probisyon:
“Hence, the use of "or" in Section 10(a) of Republic Act No. 7610 before the phrase "be responsible for other conditions prejudicial to the child's development" supposes that there are four punishable acts therein. First, the act of child abuse; second, child cruelty; third, child exploitation; and fourth, being responsible for conditions prejudicial to the child's development. The fourth penalized act cannot be interpreted, as petitioner suggests, as a qualifying condition for the three other acts, because an analysis of the entire context of the questioned provision does not warrant such construal.”
Maliwanag sa nabanggit na anumang aksyon o di pag-aksyon na makasasama sa paglaki ng isang bata ay may kaakibat din na pananagutang kriminal na may karampatang kaparusahan. Sa kalagayan ng iyong pamangkin, ang pagsasawalang-bahala ng kanyang mga magulang ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa kanyang paglaki. Ang agarang atensyong medikal ay kinakailangan upang matiyak na ang kanyang nararanasan na panginginig at pagtirik ng mga mata ay hindi mapanganib sa kanyang buhay. Sa gayon, habang maaga ay maagapan at magawa ang nararapat na gamutan. Kung patuloy na ito ay ipagsasawalang-bahala lamang ng kanyang mga magulang, maaari silang managot sa ilalim ng ating mga batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments