Pagod, galit na ang masang Pilipino sa pagtitiis
- BULGAR
- 1 day ago
- 3 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 28, 2025

Hindi ikinaila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang podcast kamakailan na “dismayado ang publiko sa serbisyo ng gobyerno” sapagkat “hindi nila nararamdaman at masyadong mabagal ang galaw ng pagbubuo ng mga proyekto” ng pamahalaan.
Napagtanto rin niyang hindi nabigyan ng gobyerno ng sapat ng atensyon ang maliliit na mga bagay na mas makapagpapaginhawa sana sa pang-araw-araw na buhay ng taumbayan — tulad ng pila sa tren, mabigat na trapiko at mga kahalintulad na sitwasyon na kanilang kinakaharap, binubuno at tinitiis.
Ipinahayag ng masang Pilipino ang pagkadismayang iyan nitong nakaraang halalan kung saan tinanggihan ng mga botante ang partikular na mga kandidatong dala-dala ng administrasyon. Panggising ang naging resulta ng eleksyon kay Marcos Jr. at sa buong gobyerno. Tamang napagtanto niyang pagod na pagod na sa pulitika ang mga mamamayan at nais nilang sila naman ang asikasuhin ng pamahalaan.
Ang kalagayan ng ating mga kababayan ay kitang-kita at tambad na tambad sa maraming lugar at sulok ng bansa, lalo na sa Metro Manila.
Sa aking ginawang pagbibigay-alalay sa aking anak na aking sinamahan sa Caloocan ng tatlong araw para sa kanyang board exams na itinalaga sa nasabing lugar sa isang unibersidad sa EDSA ay nadurog muli ang aking puso sa namalas kong hirap ng buhay at pagsusumikap ng ating mga kababayan.
Sa aking paglalakad sa paligid sa gitna ng gabi ay naroong nagsulputan ang mga maliliit na tindero’t tindera sa kalye paghudyat ng alas-diyes at ang tumpok nilang mga paninda tulad ng gulay, prutas, alahas, damit at kung anu-ano pa na tila mga kabute.
Nadaanan ko rin ang mga nagtitinda ng mga damit, cellphone accessories at mga pambabaeng panali at ipit ng buhok sa gitna ng kalaliman ng gabi sa overpass na may nagkalat na mga basura sa tabi-tabi at nagpapatingkad sa dumi ng hitsura ng nasabing daanan ng taumbayan.
Samantala, ang mga panaka-nakang dumaraan ay napapatingin sa mga paninda na may pailan- ilang nagsisibili, matapos bilangin ang baryang nakaipit sa kanilang mga pitaka.
Pagbaba ko ng overpass noong ikalawang gabi ko sa lugar at paglakad ko ng kaunti ay tumambad naman sa aking paningin ang mga nakapilang pasahero na nagsisipaghintay sa kanilang inaantabayanang UV Express. Nakatalungko, ngawit o inip na ang mga hitsura ng mga mananakay na wala nang ibang mapagpiliang masasakyan.
Pagbalik ko naman sa ordinaryong hotel na pinakamalapit sa paaralan ay kapansin-pansin ang mga magsing-irog na dumarayo doon para sa sandaling oras ng pagniniig. Marahil, nakatutulong yaong magpagaan o magpasaya sa kanilang dinaranas na kabigatan sa araw-araw, na sila ang higit na nakaaalam.
Samantala, ang mga empleyado naman ng nasabing hotel ay magiliw na nagsisilbi.
Oo, Ginoong Pangulong Marcos Jr., umaamot ng awa at malasakit ang abang kalagayan ng nakararaming Pilipinong matagal nang pagod sa pagtitiis at paghihilahod. Bawat araw na walang dalang kagaanan sa kanila ay kalbaryo. Bawat sandaling nasasayang ng mga lingkod ng pamahalaan ng administrasyon ngunit hindi nakararamdam ng sinasapit ng mga matagal nang nagdarahop ay tila katumbas ng pagwawalang-bahala.
Bawat kawalan ng katugunan sa panahong pinakainaasahan ay kahalintulad na rin ng panunuya.
Gisingin ang mga nagtutulug-tulugan, yanigin ang nagmamaang-maangan at panagutin ang lahat ng dapat managot sa taumbayan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments