top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Pagmamana ng mga kapatid ng namatay nang walang huling habilin

  • BULGAR
  • Jun 21, 2021
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 21, 2021


Dear Chief Acosta,


Ulila na kaming magkakapatid. Inalagaan namin ang aming bunsong kapatid bago siya namatay dahil wala siyang asawa at anak. Biglaan ang kanyang pagkamatay kaya wala siyang naiwan na huling habilin. Kaming magkapatid ang natitirang tagapagmana niya at inangkin ng aking kuya ang mas malaking bahagi ng mana dahil siya ay mas matanda. Alinsunod ba sa batas ang mana na aking natanggap? – Jus


Dear Jus,


Una sa lahat, nakasaad sa Article 960 ng “Civil Code of the Philippines” na legal o intestate succession ang magaganap kapag ang tao ay namatay nang walang habilin. Samakatwid, legal o intestate succession ang naganap sa kasong ito dahil walang iniwan na habilin ang namatay ninyong kapatid.


Ang sagot sa inyong katanungan ay matatagpuan sa Article 1003 at 1004 ng “Civil Code of the Philippines,” kung saan nakasaad na:


“Art. 1003. If there are no descendants, ascendants, illegitimate children, or surviving spouse, the collateral relatives shall succeed to the entire estate of the deceased in accordance with the following articles.


Art. 1004. Should the only survivors be brothers and sisters of the full blood, they shall inherit in equal shares. (Binigyang-diin)


Ayon sa nabanggit na mga probisyon ng batas, sa kawalan ng mga anak, kanunu-nunuan, at asawa ng namatay, ang kanyang buong dugong mga kapatid ay magmamana ng pantay na bahagi mula sa kanya. Sa sitwasyong ito, hindi alinsunod sa batas ang mana na inyong natanggap dahil inangkin ng inyong kuya ang mas malaking bahagi ng mana. Samakatwid, ang inyong kuya ay may karapatan sa kalahati ng mana at kayo rin ay may karapatan sa isa pang kalahati.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page