Pagmalasakitan ang kapwa, ‘wag maging makasarili
- BULGAR
- 17 hours ago
- 4 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | June 6, 2025

Bukas ay espesyal na Sabado sa ilang mga lupalop dahil sa pagdiriwang ng World Caring Day.
Bagaman noong 2022 pa lang naitatag ang naturang selebrasyon, ang pinagmulan niyon ay isang payak ngunit makatuturang proyekto noong ika-7 ng Hunyo 1997: Ang paglunsad ng isang website upang makapag-anunsyo ng napapanahong balita para sa kamag-anakan at mga kaibigan ukol sa maselang kalagayan ng isang halos bagong silang na sanggol.
Ang pahinaryang iyon ay naging paraan din upang ang mga nakabasa’y makapagbigay-tulong para sa mga pangangailangan ng bata at ng pamilya nito — isang nobedad noong kapanahunang wala pang social media.
Makalipas ang halos tatlong matulin na dekada, napakadali nang manawagan sa internet upang makahingi ng samu’t saring saklolo. Ngunit kahit walang natatanging araw ng pagtanaw o nakamamanghang teknolohiya, tayo’y makapagpapamalas ng pagmamalasakit kailanman.
Maraming mapaglalaanan ng pag-aaruga. Nariyan ang mga hayop, alaga man o nasa kagubatan, kalangitan o karagatan, na mababahaginan ng pagkalinga sa iba’t ibang paraan. Kahit ang mga halaman, sa mga hardin man o sa kagubatan, ay mapahahalagahan at mabibigyan ng paglingap.
Kabilang din sa pagmamalasakit ang mga gawaing makatutulong o ‘di makasisira ng kapaligiran o kalikasan. Ilan sa mga iyon ang pag-iwas sa pagkakalat o sa pagdura o pagpadumi ng aso sa lansangan, pagtatanim ng punong makapagdudulot ng kabutihan sa maraming taon, o maging ang pagbawas sa labis na pagkain na masasayang lamang o sa pagsaid ng laman ng nakabotelyang mga produkto upang hindi makadagdag sa sangsang sa mga agsaman.
Siyempre pa, ang kadalasang makatatanggap ng pagmamalasakit natin ay ang ating kapwa, sa malalaki o maliliit mang gawain, sa ordinaryo man o kakaibang pagkakataon.
Nakapanood na tayo, halimbawa, ng ilang mga karerang pangmananakbo, kung saan may kalahok na may ginintuang pakundangan na huhubarin ang pagiging katunggali upang maalalayan ang isang kasaling lubog sa kapaguran at ‘di makatayo.
Makapagpapahalaga rin sa panahon ng kalamidad o kagipitan, sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo o sa pagkawanggawa para sa mga kapuspalad. Matatanaw din ang malasakit sa mga ganadong mag-alay ng dugo, kahit ’di kakilala ang kailangang masalinan.
Marikit na ehemplo rin ang mga gumagawa ng kahit maikling video na nakapagtuturo ng solusyong teknikal para maayos ang ating naglulukong kasangkapan, nagtuturo ng iba’t ibang uri ng ehersisyo o nagbibigay abiso sa pagharap sa mga pagsubok at dagok ng pamumuhay. Maging ang pagligpit ng pinagkainan sa karinderya o kantina ay matamis na pagmamalasakit, kung kaya’t ang CLAYGO na tulong sa serbidor sa mga mapagkakainan ay maituturing ding “care as you go.”
Matimbang din ang paggalang sa karapatang pantao ng bawat mamamayan upang hindi makasakit, makapinsala o makapaslang. Ang pagpapahalaga ay madadaan din sa kahit matimyas at mapag-ingat na mga kilos na hindi lamang makabubuti sa kapwa kundi makapagpapalayo sa kanila sa panganib o suliranin.
Ang pagmamalasakit ay madaraan din ‘di lamang sa magagawa kundi pati sa puwedeng hindi gawin, gaya ng pagtikom ng bibig imbes na pagbubunganga kahit nanggagalaiti, paggalang sa oras ng iba, at pagpigil sa pagbibiro o pangangantiyaw na makakasakit ng damdamin, at maging sa pagkomento ng haka-haka sa mga Facebook para lamang may masabi kahit hindi batid ang panig ng pinag-uusapan. Isama na natin ang hindi pagiging asar-talo o kaskasero sa pagmamaneho.
Ang simple ngunit bukal na pangungumusta ng kapwa ay pagsasabuhay din ng pagmamalasakit na makakagising ng diwa’t makapagpapangiti ng mga mata’t labi, lalo na kung ang makatatanggap ay may katandaan na’t walang hinahangad kundi ang makausap, halimbawa, ang anak o apo, lalo na kung nasa malayong lugar. Ganoon din ang nakatutok na pakikinig sa pagdulog ng naghihinanakit at pag-alay ng balikat upang maiyakan, pati ang pagbibigay payo kung hihingian. Isama natin ang pag-aaruga’t pagsubaybay sa maysakit, na marahil ay walang maisusukli kundi ang panalanging ika’y mabiyayaan nang lubos.
Ang pag-aaruga ay madadaan din sa mga aksyon at kaparaanang walang bahid ng kasakiman. Mas makabuluhan nga kung ang pagpapahalaga sa iba ay hindi mapagsamantala at gagawin nang walang ingay o nakatambad ang identidad, na walang motibong makasariling pagbubuhat ng bangko. Ang hindi pamemersonal o pag-inda sa pangungutya ng iba ay malasakit din sa sarili.
Ang pagmamalasakit lalo na sa iba at ang kakayanang kumalinga ay biyaya at pagsisikap na masusuklian din, kahit hindi man ng mismong inaaruga. Kung tayo naman ang tagatanggap ng matimbang na pakundungan, isapuso’t isadiwa ang paglugod bilang pambawi sa natamasang tulong, suporta o kaginhawahan.
Sa ating bahay ay umaapaw ang mga daan upang makapagmalasakit. Sa panig ng mga magulang, nariyan ang pag-intindi sa mga anak, hindi lamang sa pagtustos sa kanilang mga gastusin kundi sa pagbibigay ng oras at atensyon kung kanilang kakailanganin. Sa panig naman ng mga anak, nariyan ang pagiging masigasig sa pag-aaral at pagtulong sa mga gawaing bahay nang hindi na kailangang pilitin. Sa labas ng bahay, sa paaralan man, sa hanapbuhay o sa komunidad, maaaring maging matulungin o karamay sa abot ng bukal na makakaya.
Sa madaling salita, malawakang pagkalinga’y ating araw-arawin. Kung sa bawat pagkakataon ay maipamamalas ang kakayanang tunay at dalisay na makapagmalasakit, kay ganda ng magiging pag-inog ng mundo.
Ngunit, bukod sa lahat ng nabanggit, kanino pa dapat maglaan ng pagmamalasakit? Walang iba kundi sa ating sarili.
Sa gitna ng anumang pag-aaruga sa iba, ugaliing subaybayan at pangalagaan ang sariling kapakanan. Matulog nang sapat, kumain nang wasto, magpalakas ng resistensiya, lubayan ang maaaring maging bisyo, pasayahin ang sarili nang tama, at manalangin, manalig at magnilay-nilay nang payapa’t lubos, upang patuloy na maialay ang sarili at mga kakayanan sa mangangailangan ng ating pagkalinga’t pagmamahal.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments