top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Paglalagay ng tunnel at bus lane, makakabawas ng trapik

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 26, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Sep. 26, 2024



Boses by Ryan Sison

Nagiging mainit na usapan ngayon sa social media ang lumalalang pagsisikip ng trapiko sa Commonwealth Avenue sa Quezon City. 


Bukod kasi sa main road ito ay matao pang lugar. Kaya para maibsan ang bigat ng trapik, pinag-aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paglalagay ng tunnel at bus lane sa naturang kalsada.


Batay sa datos ng MMDA, nasa 18,000 sasakyan ang dumaraan sa nasabing lansangan araw-araw tuwing peak hours ng umaga.


Sa bilang na ito, nasa 10,000 behikulo ang patungo sa Quezon Avenue, habang 8,000 sasakyan naman ang patungo sa East Avenue.


Bilang tugon sa tumitinding problema sa trapik sa lugar, sinabi ni MMDA Chairman Don Artes, kasama ang Traffic Engineering Center ng kagawaran, ang plano nilang pagtatayo ng tunnel bilang potensyal na solusyon patungkol dito.


Ayon kay Artes, isa sa mga inaaral nila ang paglalagay ng tunnel mula Commonwealth na didiretso na sa East Avenue o Quezon Avenue, kung saan daraan ito sa ilalim ng Elliptical Circle.


Kinokonsidera rin ng kagawaran ang pagpapatupad ng bus carousel system sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, katulad ng kasalukuyang nag-o-operate sa EDSA.

Ipinahayag ni Artes na nakarating sa kanila ang obserbasyon na pabigat nang pabigat ang trapik sa Commonwealth kaya naman tinitingnan na rin nila ang paglalagay doon ng bus lane.


Ayon sa MMDA chief, ang konstruksyon ng MRT-7 line ay kabilang din sa nakakapagpabigat ng trapiko sa Commonwealth Avenue.


Binigyang-diin naman ni Artes na habang papalapit ang Kapaskuhan ay lalong nangangailangan ng mga proactive measures para mabawasan aniya, ang mga traffic-related issue at matiyak ang mas maayos na daloy ng mga sasakyan.


Aniya pa, ang pagbabawal sa paghuhukay kapag malapit na ang Pasko, at ise-set din nila ang mga request sa mga mall na mag-adjust ng mall hours para hindi magsikip ang mga sasakyan, habang ilalatag nila ang mga ito bago matapos ang October.


Tiniyak naman ni Artes na kanilang ilalahad ang resulta ng pag-aaral sa local government unit (LGU) ng Quezon City, Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation (DOTr).


Mainam ang planong ito ng kagawaran na maglagay ng tunnel at bus lane para mabawasan ang sobrang trapik sa lugar.


Terible at dusa talaga ang nararanasan ng maraming motorista kapag bumagtas sa naturang lugar na halos abutin ng tatlo hanggang apat na oras, na kung tutuusin ay kaya naman itong takbuhin lamang ng 20 minuto. 


Kaya ang resulta ubos na ang gas ng sasakyan, hindi pa rin nakakarating sa pupuntahan dahil nga sa perhuwisyong trapik.


Pero, kung magkakaroon ng tunnel na kagaya rin sa ibang bansa, dagdagan pa ng bus lane, siguradong masosolb kahit paano ang bigat ng trapiko.

Sana lang ay tuluy-tuloy ang magagandang plano ng kinauukulan para sa ikabubuti ng ating transportasyon.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page