Paglabag sa karapatan, naging mitsa ng pagbagsak ng kaso… Ebidensiya laban sa akusado, ‘di tinanggap ng hukuman

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | November 16, 2026
ISSUE #419
Hindi lingid sa kaalaman nating lahat na ang bawat bagay sa mundong ito ay may hangganan, maging ang buhay ng tao ay may katapusan. Gayunman, kahit batid nating hindi maiiwasan ang pagpanaw, walang sinuman sa atin ang magnanais na lisanin ang mundong ito sa marahas na paraan.
Sa kuwentong ibabahagi namin sa araw na ito na hango sa kasong pinamagatang People of the Philippines vs. Agustin Torres y Ramos (Criminal Case No. R-CDO-18-00135-CR, March 17, 2022), nakakapanghinayang na nagwakas ang buhay ni alyas “Buntong” sa isang marahas at hindi inaasahang pangyayari. Samahan ninyo kami sa pagtalakay sa kanyang kuwento at alamin kung nakamit niya ba ang hustisyang inaasam.
Sa kailaliman ng gabi noong Disyembre 14, 2018, binaril at napatay ang biktimang si Buntong sa isang barangay sa El Salvador City, Misamis Oriental.
Batay sa paratang na inihain sa Regional Trial Court (RTC) ng Cagayan de Oro City, nagtamo si Buntong ng mga tama ng bala sa kaliwang singit at kanang hita na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Ang pinaghihinalaang may kagagawan ng pamamaslang ay isang nagngangalang Agustin. Diumano, pinaputukan ni Agustin si Buntong gamit ang isang 9mm na baril, nang may pagtataksil, malinaw na paghahanda at layuning kitiliin ang buhay ng biktima. Wala rin umanong pahintulot o lisensya si Agustin upang magmay-ari at magdala ng nasabing baril. Dahil dito, naharap din siya sa kasong paglabag sa Article 248 of the Revised Penal Code, as amended, in relation to Section 29 ng Republic Act (R.A.) No. 10591.
Batay sa testimonya ni PSSG Ventic, bandang alas-10:00 ng gabi noong Disyembre 14, 2018, nakatanggap ng tawag ang kanilang himpilan tungkol sa isang insidente ng pamamaril.
Pagdating sa pinangyarihan, nakita umano ni PSSG Ventic at ng kanyang mga kasamahang pulis na nakahandusay sa tabi ng kalsada ang biktimang si Buntong. Mayroon itong mga tama ng bala sa kaliwang singit at kanang hita. Nakuha rin sa lugar ang dalawang basyo ng bala.
Kinabukasan ng umaga, nakatanggap umano ang kanilang himpilan ng tawag mula sa kapitan ng barangay kung saan naganap ang insidente. Iniulat nitong namataan umano sa bahay ni Agustin ang pinaghihinalaang salarin. Agad na rumesponde ang mga kasamahan ni PSSG Ventic. Pagbalik ng mga ito, kasama na nila si Agustin at dala ang isang 9mm na baril na may limang bala.
Sa isinagawa niyang pagsisiyasat, napag-alaman umano ni PSSG Ventic na walang lisensya o rehistro si Agustin upang magmay-ari at magdala ng baril.
Sa isinagawang cross-examination, nilinaw ni PSSG Ventic na personal niyang kinuha ang mga basyo ng bala mula sa pinangyarihan ng krimen. Inamin din niyang ang kanyang kasamahan ang nakatanggap ng tawag tungkol sa insidente at ang isa ring kasamahan niya ang umaresto kay Agustin.
Ipinahayag naman ni PSSG Castro sa kanyang testimonya na bandang alas-7:10 ng umaga noong Disyembre 15, 2018, nakatanggap ng tawag ang kanilang himpilan mula sa kapitan ng barangay kung saan naganap ang pamamaril. Iniulat umano nitong namataan si Agustin sa kanyang bahay.
Sina PSSG Castro at ang kanyang mga kasamahang pulis ang rumesponde. Diumano, namataan nila si Agustin na naglalakad sa isang makitid na daanan sa gitna ng taniman ng mangga habang may bitbit na backpack. Nang magpakilala silang mga pulis, agad umanong sumuko si Agustin at ibinigay ang backpack na naglalaman ng baril.
Si SPO2 Laserna umano ang umaresto kay Agustin. Ipinaalam din umano ni SPO2 Laserna kay Agustin ang krimeng kinasangkutan nito, gayundin ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Saligang Batas.
Si PSSG Castro naman umano ang nagbukas ng backpack ni Agustin. Sa loob nito ay nakita ang isang 9mm na baril, magazine at limang bala, ngunit wala umanong kaukulang papeles ang mga ito. Dinala nila si Agustin sa kanilang himpilan at doon ay ibinigay kay PSSG Ventic ang mga nakalap na ebidensya. Sa kanyang harapan, minarkahan ni PSSG Ventic ang mga ito.
Sa isinagawang paglilinaw, inamin umano ni SPO2 Laserna na medyo malilimutin na siya.
Ayon sa kanya, naaresto nila si Agustin sa bulubunduking bahagi ng El Salvador City, may anim na kilometro ang layo mula sa pinangyarihan ng pamamaril kay Buntong.
Sa kanyang pagkakaalala, gabi nang maganap ang krimen at kinabukasan ng umaga naaresto si Agustin. Nakita umano nila itong naglalakad sa bukirin habang may bitbit na backpack. Matapos silang magpakilala bilang mga pulis, pinabuksan nila kay Agustin ang kanyang backpack at doon nila nakuha ang baril na ginamit umano sa pamamaslang kay Buntong.
Batay naman sa testimonya ni PO1 Boquia, natanggap niya mula kay PSSG Ventic ang Request for Ballistic Examination at Spot Report noong Disyembre 15, 2018. Natanggap din umano niya ang mga sumusunod: isang 9mm na baril, limang 9mm na bala, dalawang basyo ng bala at isang steel magazine.
Si PMAJ Lee naman umano ang nagsagawa ng ballistic examination at nagbigay ng kaukulang ulat. Pinatunayan sa pagsusuri na ang mga specimen na “RBV” at “RBV-1” ay kapwa pinaputok mula sa iisang 9mm na baril na may serial number na 1454555 at minarkahang “RBV-3”.
Batay naman sa mga natuklasan ni Dr. Macarimbang, expert witness ng Tagausig at siyang sumuri sa bangkay ni Buntong, ang biglaang paghinto ng puso dahil sa mga tama ng bala na natagpuan sa gilid ng kaliwang hita at gitnang bahagi ng kanang hita ng biktima ang maaaring naging sanhi ng pagkamatay nito. Iisa lamang umano ang tinamong tama ng bala ng biktima, na may iisang pasukan at iisang labasan.
Sa tulong at representasyon ng PAO-Cagayan de Oro City District Office, mariing itinanggi ni Agustin na siya ang may-akda ng pamamaslang kay Buntong. Itinanggi rin niyang nasa kanyang pag-iingat ang baril na ginamit sa naturang krimen.
Sa isinagawang cross-examination kay Agustin, ipinaliwanag niyang nagkaroon ng gulo sa pagitan nila ni Buntong noong gabi ng Disyembre 14, 2018, malapit sa lugar ng kumpanyang pinapasukan niya bilang security guard.
Diumano, sinalakay siya ni Buntong kasama ang tatlo pa nitong kasamahan.
Itinanggi rin ni Agustin na nagkaroon siya ng alitan o away sa mga pulis at na may baril na nakuha mula sa kanya. Ipinaliwanag niyang papunta umano siya sa bahay ng kanyang kapatid noong umaga ng Disyembre 15, 2018 upang kumuha ng mga manok. Pagkatapos nito, balak umano niyang magtungo sa himpilan ng pulis upang isumbong ang pananalakay sa kanya noong nakaraang gabi. Subalit sa halip na makapagsumbong, siya pa ang inaresto.
Inamin ni Agustin na nakainom siya ng alak bago siya maaresto, ngunit iginiit niyang wala siyang bitbit na baril. Diumano, nakarinig siya ng putok ng baril habang naglalakad kaya napilitan siyang tumakbo. Bigla na lamang umanong may humabol sa kanya na mga pulis na nakasakay sa motorsiklo at pinahinto siya.
Matapos siyang tanungin kung ano ang laman ng kanyang bag, agad umano itong kinuha sa kanya at binuksan. Laking gulat na lamang niya nang makita niyang may baril na pala sa loob nito. Pinahawak pa umano sa kanya ng mga pulis ang baril at kinuhaan siya ng litrato. Wala umanong ibang tao nang siya ay arestuhin maliban kina SPO2 Laserna at PSSG Castro.
Sa isinagawang rebuttal evidence ng Tagausig, itinanggi ni SPO2 Laserna na nagpaputok siya ng baril noong inaaresto nila si Agustin. Kusa umanong ibinigay ni Agustin ang kanyang bag at sinabing isinusuko niya ang baril na nasa loob nito.
Gayunman, inamin ni SPO2 Laserna na hindi niya personal na nasaksihan ang pamamaril sa biktima. Inamin din niyang nag-iisa lamang na naglalakad si Agustin nang maaresto ito noong umaga ng Disyembre 15, 2018.
Sa pagdedesisyon sa kasong ito, binigyang-diin ng hukuman ng paglilitis na circumstantial evidence lamang ang hawak ng Tagausig sapagkat walang nakasaksi sa mismong pamamaslang kay Buntong. Kinabukasan pa ng umaga matapos maganap ang krimen inaresto si Agustin, at ginawa ito nang walang kaukulang warrant.
Ipinaalala ng hukuman ang kahalagahan ng pagkakaroon ng warrant of arrest upang maging legal ang pag-aresto sa isang tao. Kung walang warrant na nag-uutos sa pagdakip sa taong pinaghihinalaang gumawa ng krimen, kinakailangang may batayang legal ang pagsasagawa ng warrantless arrest o pag-aresto nang walang warrant, alinsunod sa Rule 113 ng Rules of Court.
Sa ilalim ng Section 5(a) at (b) ng nasabing tuntunin, mahalagang mapatunayan na natutugunan ang mga kondisyong itinakda ng batas para sa pagsasagawa ng warrantless arrest, kabilang ang personal na kaalaman ng umaaresto sa mga pangyayaring may kaugnayan sa krimen.
Sa kasong ito, kapuna-puna para sa hukuman na hindi personal na nasaksihan ng pulis na umaresto kay Agustin ang pamamaslang sa biktima. Sa halip, naglalakad lamang si Agustin nang siya ay dakpin. Para sa hukuman, ang simpleng paglalakad ay hindi kahina-hinalang kilos o gawaing labag sa batas. Dahil dito, walang sapat na batayan ang mga pulis upang magsagawa ng warrantless arrest kay Agustin.
Binigyang-diin din ng hukuman na pinoprotektahan ng Section 2, Article III ng ating Saligang Batas ang karapatan ng bawat indibidwal laban sa hindi makatuwirang paghahalughog at pagsamsam.
Ang anumang bagay na nakuha sa pamamagitan ng hindi makatuwirang paghahalughog at pagsamsam ay hindi maaaring tanggapin bilang ebidensya sa anumang paglilitis sapagkat itinuturing itong bunga ng isang nakalalasong puno o fruit of the poisonous tree.
Hindi rin nakalampas sa mapanuring pagsusuri ng hukuman ang pag-amin ni PSSG Castro na wala silang dalang warrant nang puntahan at matagpuan nila si Agustin. Dahil dito, hindi maaaring tanggapin ng hukuman bilang ebidensya laban kay Agustin ang baril na iniharap ng Tagausig sapagkat nakuha ito bunga ng hindi makatuwirang pag-aresto at paghahalughog.
Maliban sa nasabing baril, wala nang iba pang ebidensyang nag-uugnay kay Agustin sa pamamaslang kay Buntong. Dahil dito, minarapat ng hukuman na ipawalang-sala si Agustin sa krimeng ipinaratang laban sa kanya.
Ipinaalala rin ng hukuman na tungkulin nitong igawad ang hatol na pagpapawalang-sala sa akusado kung hindi napatunayan ng Tagausig nang higit pa sa makatuwirang pagdududa na siya ang may gawa ng krimen.
Ang desisyong ito ng RTC ng Cagayan de Oro City, na nilagdaan noong Marso 17, 2022, ay hindi na inapela o kinuwestiyon pa.
Ang kuwento ni Buntong ay paalala na hindi lamang pagkakaroon ng ebidensya ang mahalaga sa pagkamit ng hustisya. Mahalaga ring mapatunayan na naaayon sa batas ang paraan ng pagkalap nito. Walang saysay ang ebidensya kung nakuha naman ito sa paraang labag sa batas.
Sapagkat itinanggi ni Agustin na siya ang pumaslang kay Buntong, nananatiling posible na hindi pa natutukoy ang tunay na salarin sa krimen. Nawa ay may iba pang ebidensyang makalap sa paraang naaayon sa batas upang makatulong sa paglutas sa pagkakapaslang kay Buntong at nang sa gayon ay makamit na ng kanyang kaluluwa ang katahimikan at hustisyang inaasam.




Comments