Paglabag sa “Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009”
- BULGAR

- 9 hours ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 11, 2025

Dear Chief Acosta,
Pakikubli na lamang ang aking tunay na pagkakakilanlan sapagkat medyo sensitibo ang aking katanungan. Nakipaghiwalay ako sa aking ex-boyfriend limang buwan na ang nakalilipas. Sa ngayon, mayroong bagong nanliligaw sa akin at nalaman ito ng aking ex, at labis ang kanyang pagseselos kahit hiwalay na kami. Dahil dito, pinagbantaan niya akong ikakalat ang mga maseselan naming larawan at videos noong kami pa.
Upang hindi mahalata ang aking takot, sinabi ko sa kanya na ipinagbabawal iyon ng batas sa ilalim ng Anti-Photo and Video Voyeurism Act. Hindi ko sigurado kung tama ang sagot ko, dahil ang agad niyang tugon, diumano ay pumayag naman ako noon na kunan niya ako ng mga videos at larawan. Dahil dito, nais kong malaman kung ituloy niya ang kanyang banta at ipakalat ang mga iyon, maaari pa rin ba siyang managot sa ilalim ng Anti-Photo and Video Voyeurism Act, kahit mapatunayan niyang pumayag ako noong i-record ang mga videos? Maraming salamat sa paglilinaw. – Alyas Gina
Dear Alyas Gina,
Ang sagot sa iyong katanungan ay maaaring matagpuan sa ating batas, espesipiko sa Republic Act No. 9995, o mas kilala sa tawag na "Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009". Para sa inyong kaalaman, nakasaad sa Seksyon 4(d) ng nasabing batas ang mga sumusunod:
“Section 4. Prohibited Acts. - It is hereby prohibited and declared unlawful for any person:
(a) To take photo or video coverage of a person or group of persons performing sexual act or any similar activity or to capture an image of the private area of a person/s such as the naked or undergarment clad genitals, public area, buttocks or female breast without the consent of the person/s involved and under circumstances in which the person/s has/have a reasonable expectation of privacy;
(b) To copy or reproduce, or to cause to be copied or reproduced, such photo or video or recording of sexual act or any similar activity with or without consideration;(c) To sell or distribute, or cause to be sold or distributed, such photo or video or recording of sexual act, whether it be the original copy or reproduction thereof; or
(d) To publish or broadcast, or cause to be published or broadcast, whether in print or broadcast media, or show or exhibit the photo or video coverage or recordings of such sexual act or any similar activity through VCD/DVD, internet, cellular phones and other similar means or device.
The prohibition under paragraphs (b), (c) and (d) shall apply notwithstanding that consent to record or take photo or video coverage of the same was given by such person/s. Any person who violates this provision shall be liable for photo or video voyeurism as defined herein.”
Hinggil sa nabanggit, sa ilalim ng Anti-Photo and Video Voyeurism Act, hindi lamang ang mismong pagre-record ng maseselang larawan o video ang pinaparusahan—kabilang din dito ang pagpapalabas, pagpapakalat, o pagbabahagi ng mga ito sa anumang paraan. Ayon sa Section 4(d) ng nasabing batas, mahigpit na ipinagbabawal ang pag-publish o pagpapakalat ng sensitibong larawan o video—sa internet, cellphone, social media, o anumang katulad—kahit pa may pahintulot sa pagkuha ng video at larawan.
Ibig sabihin, kahit pumayag kayo noon na makuhanan, hindi ito nangangahulugan na pumapayag din kayong ipakalat, ipakita, o ipamahagi ang mga nasabing video at mga larawan. Malinaw sa batas na labag pa rin sa batas at may kaakibat na parusa ang sinumang magpakalat ng ganitong materyal, kahit may naunang pahintulot sa pag-record.
Kaya kung ituloy ng iyong ex-boyfriend ang kanyang banta, maaari siyang managot sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act, na isang kriminal na paglabag na may parusang kulong at multa. Maaari rin siyang makasuhan ng iba pang mga kasong kriminal dahil sa kanyang pagbabanta.
Sa madaling sabi, kahit pumayag ka noon na ma-video o makunan ng larawan ng iyong ex-boyfriend, hindi iyon nagbibigay ng lisensya sa kanya na ipakalat, ibahagi, o gamitin ang video o larawan laban sa iyo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments