top of page

Pagkuha ng SSS Unemployment Insurance or Involuntary Separation Benefits

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 7, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Isa akong sekretarya sa isang pribadong kumpanya. Bigla na lamang akong tinanggal sa trabaho sa kadahilanang nalulugi na diumano ang aming kumpanya. Nais kong malaman kung may makukuha ba akong benepisyo mula sa SSS dahil sa kawalan ng trabaho dulot ng pagtanggal sa akin? -- Emilyn



Dear Emilyn, 


Isinabatas ang Republic Act (R.A.) No. 11199 o mas kilala bilang “Social Security Act of 2018” upang magtatag at magsulong ng social security system na angkop sa mga pangangailangan ng mga tao sa buong Pilipinas at magtaguyod ng katarungang panlipunan sa pamamagitan ng pag-iipon at pagtitiyak ng makabuluhang proteksyon sa social security para sa mga miyembro nito at kanilang mga benepisyaryo, laban sa mga panganib ng kapansanan, pagkakasakit, pagtanda, pagkamatay, pagkalugi, at pagkawala ng trabaho o kita. Ang probisyon para sa unemployment insurance o involuntary separation benefits ay matatagpuan sa Section 14-B ng batas na ito na nagsasaad na: 


 “SEC. 14-B. Unemployment Insurance or Involuntary Separation Benefits. – A member who is not over sixty (60) years of age who has paid at least thirty-six (36) months contributions twelve (12) months of which should be in the eighteen-month period immediately preceding the involuntary unemployment or separation shall be paid benefits in the form of monthly cash payments equivalent to fifty percent (50%) of the average monthly salary credit for a maximum of two (2) months: Provided, That an employee who is involuntarily unemployed can only claim unemployment benefits once every three (3) years: Provided, further, That in case of concurrence of two or more compensable contingencies, only the highest benefit shall be paid, subject to the rules and regulations that the Commission may prescribe.”


Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang isang miyembro na hindi lalampas sa 60 taong gulang at nagbayad ng hindi bababa sa 36 na buwang kontribusyon, kung saan 12 buwan nito ay dapat nasa loob ng 18 buwan bago ang hindi pagkawala o pagkahiwalay sa trabaho, ay dapat mabayaran ng benepisyo sa anyo ng buwanang pagbabayad ng salapi na katumbas ng 50% ng average monthly salary credit ngunit hindi hihigit sa dalawang buwan. Isang beses bawat tatlong taon lamang ito maaaring makuha.


Sa iyong sitwasyon, ang iyong pagkatanggal sa trabaho dahil sa pagkalugi ng kumpanya na iyong pinapasukan ay maaaring maituring na retrenchment kung saan ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong Team Pacific et al vs. Layla M. Parente (G.R. No. 206789, 15 July 2020), sa panulat ni Honorable Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, na: 


Under Article 298 of the Labor Code, retrenchment is one of the authorized causes to dismiss an employee. It involves a reduction in the workforce, resorted to when the employer encounters business reverses, losses, or economic difficulties, such as ‘recessions, industrial depressions, or seasonal fluctuations.’ This is usually done as a last recourse when other methods are found inadequate.”


Alinsunod sa nasabing kaso, ang iyong hindi kusang pagkatanggal sa trabaho dahil sa retrenchment ay kabilang sa mga authorized causes of termination kung saan maaari kang makakuha ng involuntary separation benefits alinsunod sa R.A. No. 11199 kung ikaw ay kuwalipikado ayon sa nabanggit na mga pamantayan. Gayundin, iyong tandaan na ang benepisyong ito ay maaari lamang makuha isang beses bawat tatlong taon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page