Pagkuha ng CFO Guidance and Counseling Certificate ng Pinoy na ikakasal sa dayuhan
- BULGAR

- Oct 1
- 4 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 1, 2025

Dear Chief Acosta,
May katanungan ako tungkol sa dokumentong kailangan ko diumano isumite upang makabalik sa Australia. Isa akong software developer at dalawang taon na ang nakalipas mula nang ikasal ako sa isang Australian. Nitong nakaraan, umuwi ako sandali rito sa ating bansa para dumalo sa kasal ng kaibigan ko. Ngunit noong pabalik na ako ng Australia, hindi ako pinayagang makaalis ng immigration officer sa paliparan sa araw ng aking paglipad dahil diumano ay wala akong Commission on Filipinos Overseas (CFO) Guidance and Counseling Certificate. Ano ba itong CFO Guidance and Counseling Certificate at para saan ito? Maraming salamat.
-- Carmela
Dear Carmela,
Ang lahat ng Pilipinong pupunta sa ibang bansa bilang asawa, fiancé o iba pang kabiyak o partner ng banyaga, dating Filipino citizen, o dual citizen, ay kinakailangang sumailalim sa mandatoryong Commission on Filipinos Overseas (CFO) Guidance and Counseling Program (GCP) upang makakuha ng CFO guidance and counseling certificate. Partikular itong nagbibigay ng lugar kung saan maaari nilang ipahayag at talakayin ang kanilang mga partikular na alalahanin tungkol sa migration at iba’t ibang aspeto ng kanilang mga relasyon tulad ng hadlang sa komunikasyon, pamamahala sa pananalapi, pagkakaiba sa personalidad at kultura, relasyong sekswal, at iba pa. Ang CFO ay isang ahensya sa ilalim ng tanggapan ng Pangulo, na nakatuon sa kapakanan ng mga Pilipinong permanenteng naninirahan sa ibang bansa.
Ang GCP ng CFO ay isang natatanging programa ng pamahalaan na naglalayong pangalagaan at protektahan ang kapakanan ng mga Pilipinong ikakasal sa mga dayuhan.
Kaugnay nito, nakasaad sa Seksyon 16 (j) ng Republic Act (R.A.) No. 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act), na inamyendahan ng Seksyon 11 ng R.A. No. 11862 na:
“Section 16. Programs that Address Trafficking in Persons. – The government shall establish and implement preventive, protective and rehabilitative programs for trafficked persons. For this purpose, the following agencies are hereby mandated to implement the following programs: x x x
(j) Commission on Filipinos Overseas (CFO) – shall conduct pre-departure counseling services for Filipinos in intermarriages and bi-national couples, including an orientation on human trafficking and other forms of exploitation and reporting mechanisms and services available to the victims and survivors; and maintain a watch list database of foreign nationals with a history of domestic violence, involvement in trafficking in persons, mail-order-bride schemes, child abuse, and sexual abuse. It shall develop a system of accreditation of NGOs that may be mobilized for purposes of conducting pre-departure counseling services for Filipinos in intermarriage and bi-national couples. As such, it shall ensure that the counselors contemplated under this Act shall have the minimum qualifications and training of guidance counselors as provided by law.”
Gayon din, sa ilalim ng Seksyon 6 (e) ng R.A. No. 10906 (Anti-Mail Order Spouse Act), ang CFO ay inatasang magsagawa ng pre-departure counseling services. Ayon dito:
“Section 6. Mandatory Programs. - The government shall establish and implement preventive, protective, and rehabilitative programs for victims of the unlawful acts and practices enumerated in Section 3 of this Act. For this purpose, the following agencies are hereby mandated to implement their respective programs:
x x x
(e) Commission of Filipino Overseas (CFO) – The CFO shall conduct pre-departure counseling services for Filipinos who have contracted marriages with partners from other countries with different cultures, faiths, and religious beliefs. It shall develop a system for accreditation of NGOs that may be mobilized for purposes of conducting pre-departure counseling services for Filipinos in intermarriages. The CFO shall ensure that the counselors contemplated under this Act shall have the minimum qualifications and training required by law.”
Layunin ng programang ito na bigyan ng mahahalagang impormasyon at kasangkapan ang mga kalahok upang mapaghandaan nila ang mga posibleng panganib at hamon sa isang cross-cultural o magkaibang kultura na pag-aasawa. Itinatampok din sa GCP ang mga mahahalagang isyu na maaaring harapin ng isang Pilipino sa bansang pupuntahan niya, tulad ng pagkakaiba sa kultura; balakid sa wika o komunikasyon; karahasan sa tahanan; at human trafficking. Tinuturuan din ang mga kalahok kung paano iwasang maging biktima, at kung saan sila maaaring humingi ng tulong.
Inilunsad ng CFO ang GCP bilang bahagi ng kanilang mandato na protektahan ang mga Pilipino sa labas ng bansa. Obligado ang mga Pilipinong lalabas ng bansa para magpakasal sa kanilang banyagang fiancé(e) o asawa na dumaan sa GCP bago sila mabigyan ng CFO guidance and counseling certificate, isang dokumentong kailangan sa pagkuha ng visa o pag-alis ng ating bansa.
Ang programang ito ay hindi lamang nagbibigay ng kaalaman, kundi nagsisilbing proteksyon laban sa mga mapang-abusong relasyon at mapanlinlang na mga kasunduan sa pag-aasawa. Ang mga Pilipinong planong magpakasal o nagpakasal sa mga dayuhan, at permanenteng maninirahan o naninirahan sa ibang bansa ay kailangang magparehistro at sumunod sa mga kinakailangang proseso ng CFO bilang bahagi ng kanilang exit clearance mula sa Philippine immigration.
Ang mga hakbanging ito ay itinakda upang mental na ihanda ang mga marriage migrants, at upang matiyak ang kanilang kaligtasan at kapakanan habang sila ay humaharap sa mga bagong oportunidad at kapaligiran sa ibang bansa.
Tungkol sa iyong sitwasyon, kailangan mong gumawa ng reserbasyon at magparehistro online upang makatanggap ng barcoded form na maglalaman ng impormasyon tulad ng oras at petsa ng appointment, lokasyon ng opisina, at iba pang mahahalagang detalye kaugnay sa iyong pagbisita sa CFO. Ang pagdalo sa GCP ay isinasagawa nang personal sa pangunahing tanggapan ng CFO sa Maynila, at sa mga sangay nito sa Cebu at Davao, sa pamamagitan ng Reservation and Registration System.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments