top of page

Mulat na ang lahat sa katiwalian, mga kontraktor, DPWH officials at auditors, magkakakutsaba

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 13 hours ago
  • 3 min read

ni Ka Ambo @Bistado | November 27, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Inilunsad ng DPWH ang portal platform kontra kuno sa katiwalian.

Pero, malinaw na hindi ito sapat, bagkus ay mailalarawan lamang bilang propaganda.

----$$$--

IPINAKIKITA lamang dito ay ang proseso sa implementasyon pero hindi mismo sa proseso — bago mag-bidding.

Lihis ito at hindi nakabatay sa datos na lumalabas sa ongoing investigation sa flood control projects scam.

----$$$--

MULAT ang lahat sa katiwalian sa DPWH dahil ang mga kontraktor, DPWH officials at auditors ay magkakakutsaba — bago pa i-award ang proyekto.

May tinatawag na “pre-qualification” — at ito ay pormalidad lamang dahil natukoy na ang “contractor”.

----$$$--

ANG “award-winning contractor” ay dikta o rekomendado ng “mambabatas o ehekutibo sa itaas” — at sa kanila nagmumula ang SOP — na tinataya sa pinakamaliit na 3-8 percent sa project cost.

Matagal nang kalakaran ‘yan, at iyan mismo ang tinatawag na “under-the-table” na itinuring nang “moral” o kalakaran sa lahat ng subasta — serbisyo man o produkto.

----$$$--

DAHIL “mistulang lehitimo ang SOP” na naglalaro sa average na five percent — nagahaman ang mga kontraktor at mismo ang signatories at “pork barrel sponsors” — na palobohin ito.

Hindi ito nag-ugat sa administrasyong Marcos Jr. bagkus ay kakambal na ng burukrasya.

----$$$--

WALANG nangangahas na i-trap ang mga nagbibigay at tumatanggap nang suhol — dahil iyan na mismo ang kalakaran o nakamihasnan.

Walang ebidensya rito — dahil walang “marked money” na idinidiskarte.

Iyan mismo ang ugat ng corruption — across all departments and all levels of government.

-----$$$--

HINDI masasakop ng portal ang naturang iskema, kaya’t lalabas na propaganda lamang at “display-display” lang ang portal.

May ilang iskema kung saan — ang bidding ay mayroon nang “winner” na naidikta ng mambabatas na utak ng insertion.

-----$$$--

ANG pork barrel ay hindi isang klase ng pondo o budget, bagkus ito ay isang garapalang “modus operandi” sa paglalabas ng pondo sa gobyerno.

Nagtatanga-tangahan lang ang mga opisyal dahil ang pork barrel modus na ito ay nagaganap — sa lahat ng antas — national, provincial, municipal, city hanggang sa barangay.

----$$$--

ANG mga pondo na inilalaan sa mga “committee” na pinamumunuan ng mga lawmakers — senador, kongresista, bokal, konsehal at kagawad — ay tipikal na pork barrel modus.

Ang mga kontratista rito ay pinipili at idinidikta pero iniaayos ang dokumento “kuno” na may basbas ng auditor.

----$$$--

PAANO mareresolba ang corruption kung kakutsaba o ang “secret advise” ay nagmumula rin sa “auditor” — kung saan ituturo ang mga “legal requirements”.

Inuulit natin, hindi ito ngayon lamang nagaganap — bagkus ay “nai-master” o nai-“doctorate” na ito ng mga kawatan sa loob ng pamahalaan — sa matagal nang panahon.

-----$$$--

ANG mga mambabatas ay hindi gagawa ng batas na pipigil o magbibisto sa kanila sa “garapalang pork barrel system”.

Maging ang dati-rating tumatanggi sa “pork barrel kuno” na si Sen. Ping Lacson ay walang lakas ng loob na ibunyag ang kanyang mga kasamahan — na nagkakamal ng bilyun-bilyong pisong kulimbat.

----$$$--

NAPAKATAGAL nang senador nina Lacson at Senate President Tito Sotto — pero wala silang nagawa kundi kunsintihin dili kaya’y makipagkutsaba na lamang.

Sa ngayon, kung totoo ang mga datos — lumilitaw na ang “pork barrel system modus” ay ginamit sa isang “massive fund-raising drive” na hindi pa matukoy — kung ano ang motibo.

-----$$$--

IPAGDASAL nating maging seryoso ang mga imbestigador upang matungkab ang lahat ng datos.

Ang artificial intelligence partikular ang AGENTIC AI ay mas makakatulong kung ito ay pangangasiwaan o imamaniobra  ng “Composite Task Force” mula sa mga Constitutional bodies — COA, Civil Service Commission, Comelec at Ombudsman, at gawing observers ang pribadong sektor.

-----$$$--

MABILIS na nagbabago ang panahon, dapat bigyan ng mahalagang papel ang hanay ng mga kabataan — estudyante na nag-aaral sa senior high school at kolehiyo — upang sila ang humawak ng portal kontra corruption.

Hindi na nating mapagkakatiwalaan ang mga “matatanda” na masasabi na nating mga “AI ILLITERATE”!

---$$$--

PAANO makakagawa ng epektibong batas ang mga mambabatas tungkol sa isang modernong teknolohiya na sila ay aktuwal na mangmang o “illiterate”.

Sige, magpaliwanag kayo!




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page