top of page

Mga OFW na nadamay sa Hong Kong fire, saklolohan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 35 minutes ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | November 28, 2025



Boses by Ryan Sison



Nakakalungkot ang nangyaring trahedya na yumanig sa Hong Kong. Buti na lamang at hanggang ngayon, walang kumpirmadong Pinoy ang nasawi o nasugatan sa malagim na sunog sa Tai Po. 


Isang pakikiramay din sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay — dahil ang apoy na ito, na kumitil ng buhay ng hindi bababa sa 44 katao at nag-iwan ng halos 300 nawawala, ay isa sa pinakamadilim na pangyayari sa lungsod sa nakalipas na mga dekada. 


Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), wala pang kasong nag-uugnay sa Pinoy casualties sa Level 5 fire na tumupok sa pitong high-rise building sa Tai Po District. Gayunman, may natanggap ang Philippine Consulate General ng unverified reports na posibleng may ilang Filipino domestic workers na na-trap sa loob ng mga gusali. 

Agad itong ipinasa sa Hong Kong authorities para sa agarang aksyon. Patuloy din ang koordinasyon ng DFA, Consulate General, Hong Kong Police Force, at Hong Kong Fire Services Department. 


Dahil sa laki ng sunog at tindi ng pinsala, mabagal ang paglabas ng opisyal na bilang ng mga biktima. Ilang gusali ang tumagal lamang ng mahigit 10 oras bago tuluyang nasunog. 


Ang apoy, ayon sa mga ulat, ay mabilis na kumalat dahil sa flammable foam materials at bamboo scaffolding na nakabalot sa mga tower, mga materyales na matagal nang pinapa-phase out sa Hong Kong dahil sa panganib na dala nito. Tatlong lalaki mula sa construction company na nagsasagawa ng maintenance ang inaresto dahil sa suspicion of manslaughter, habang nagsara ang mga highway, nagkansela rin ng mga klase sa anim na paaralan, at napuno ang komunidad ng takot at pagdadalamhati. 


Isa itong trahedyang hinding-hindi malilimutan sa Hong Kong, na huli nang nakaranas ng ganito kalaking sunog noong 1996. Habang patuloy nating hinihintay ang kumpletong impormasyon tungkol sa ating mga kababayan, malinaw na ang buhay ng bawat OFW ay delikado, pero para sa pangarap, at sa kanilang pamilyang naghihintay, sila ay lumalaban. 


Kapag may krisis sa abroad, ang kaba ng kanilang pamilya ay parang sunog na kumakalat, masakit at mahirap sa damdamin. 


Patuloy nating ipagdasal sa ngayon ang ligtas na kalagayan ng ating mga kababayan, gayundin hindi dapat kinakalimutan ang mga nasawi. 


Sa panahon ng trahedya, hindi natin alam kung kailan ito darating o tatama sa atin.


Nararapat lamang na lagi tayong maging handa.

Dapat ding tutukan ang kalagayan ng ating mga OFW na patuloy na kumakayod para sa kinabukasan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page