Pagkasira ng passport, dapat ipaalam sa DFA
- BULGAR

- Aug 9
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 9, 2025

Dear Chief Acosta,
Kakauwi lamang ng aking mag-ina mula sa Singapore. Doon nagtatrabaho ang aking asawa bilang isang domestic helper at ipinasyal niya lamang ang aming anak sapagkat sinagot ng kanyang amo ang lahat ng naging gastusin. Ngayon lamang napansin naming mag-asawa na mayroong gupit ang isang pahina ng Philippine passport ng aming anak. Ang sabi ng aming anak, noong sila diumano ay lumapag na ng Pilipinas at habang hinihintay niya ang kanyang ina na kumuha ng kanilang bagahe ay gumagawa umano siya ng arts gamit ang mga bitbit niyang art materials, kabilang na ang gunting. Ipinatong niya umano ang isang papel sa kanyang pasaporte habang siya ay naggugupit at, sa hindi inaasahan na pangyayari, nagupit niya ang nasabing pahina. Dahil na rin wala pa sa hustong gulang ang aming anak, hindi niya alam na maaaring maging problema iyon. Ano ba ang kailangan naming gawin? Hindi na ba magagamit ang kanyang pasaporte? Bagong kuha lamang kasi iyon noong bago sila bumiyahe papunta sa Singapore. Sana ay malinawan ninyo ako.
– Danilo
Dear Danilo,
Ang pasaporte ay hindi lamang katibayan ng pagkakakilanlan o proof of identity ng isang indibidwal. Ito ay pangunahing dokumento na ginagamit para sa paglalakbay sa ibang bansa. Sa pangkalahatan, makapaglalakbay lamang ang isang Pilipino paalis o papasok ng ating bansa kung siya ay mayroong balidong Philippine passport, maliban na lamang kung siya ay pinagkalooban ng balidong emergency travel document na tatanggapin at kikilalanin ng bansa na kanyang pupuntahan at/o panggagalingan, o kung siya ay mayroon at gagamit ng balidong foreign passport.
Nais naming bigyang-diin na ang pasaporte ng Pilipinas ay hindi pagmamay-ari ng indibidwal na napagkalooban nito. Ang ipinagkakaloob lamang sa mga kuwalipikadong Pilipino na nabibigyan nito ay ang pribilehiyo na gamitin ito nang naaayon sa itinakda ng batas. Ang pagmamay-ari ng pasaporte ay nananatili sa ating pamahalaan, alinsunod sa Section 13 ng Republic Act (R.A.) No. 11983 o mas kilala bilang "New Philippine Passport Act":
“Section 13. Ownership of Passports. - A Philippine passport remains at all times the property of the government and the same may not be confiscated by any entity or person other than the DFA. Any other government agency, official or employee who confiscates a passport or travel document shall promptly turn over the same to the DFA.
x x x”
Kung kaya’t responsibilidad ng bawat Philippine passport holder na alagaan ang kanilang pasaporte at panatilihin na maayos ito at walang sira. Sa oras na magkaroon ito ng sira, pagbabago, mutilation, at/o ginamit sa hindi naaayon na pamamaraan, hindi na ito maaaring gamitin pa at kinakailangan nang papalitan upang makapaglakbay muli paalis at/o papasok ng ating bansa.
Sa sitwasyon na iyong nabanggit, maaaring sabihin na hindi naaayon na pamamaraan ng paggamit ng Philippine passport ang ginawa ng iyong anak sapagkat siya ay walang awtoridad mula sa ating pamahalaan na gupitin ang alinmang pahina ng kanyang pasaporte, kahit hindi niya intensyon na mangyari ito. Sapagkat ang pasaporte ay pagmamay-ari ng ating pamahalaan, tanging ang mga awtorisado na opisyal lamang ng ating gobyerno ang maaaring magtatak at/o magsulat dito, o gumupit sa bahagi nito bilang takda ng pagkakansela ng pasaporte.
Sa puntong ito, magiging pinakamainam kung ikaw ay makikipag-ugnayan sa pinakamalapit na sangay ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa iyong lugar upang maipagbigay-alam ang pagkasira ng pasaporte ng iyong anak. Kinakailangan din na magsumite siya ng sinumpaang salaysay ukol sa detalye sa naturang pagkasira, alinsunod sa Section 15 ng R.A. No. 11983:
“Section 15. Loss or Destruction of a Passport. - The loss or destruction of a passport shall be immediately reported to the DFA or a FSP by submitting an affidavit stating in detail the circumstances of such loss or destruction. x x x”
Kung ang iyong anak ay mayroong paparating na paglalakbay sa ibang bansa at/o kakailanganin niya ng bagong pasaporte magiging higit na mainam na ihanda ninyo ang mga dokumento tulad ng kanyang certificate of live birth mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) at valid identification card, at magpa-schedule ng appointment sa pagkuha ng kanyang pasaporte, o mag-walk-in sa DFA kung siya ay 7-taong gulang pababa. Para sa higit na kumpletong impormasyon at listahan ng mga dokumento na kakailanganin na dalhin, mangyari na bisitahin ang bahagi ng website ng DFA na: https://passport.gov.ph/ at https://consular.dfa.gov.ph/passport-faq/.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments