top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Pagkakasunud-sunod ng mga magmamana o legal o intestate succession

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 13, 2020
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 13, 2020



Kalimitang sinasabi nila na ang manugang at biyenan nito ay hindi diumano nagkakasundo. Marahil, ang iniisip ng biyenan ay hindi nararapat ang manugang nito para sa kanyang minamahal na anak.


Ngunit may mga pagkakataon din namang ang manugang ang siyang naiiwang mag-alaga sa kanyang biyenan lalo na kung nakapisan o malapit ang tirahan sa bahay ng kanyang biyenan.


Kaya naman, may probisyon ang batas na maaaring makatanggap ng mana ang manugang mula sa mga biyenan nito.


Ang karapatan ng tagapagmana ay nakapaloob sa ikatlong aklat ng Civil Code of the Philippines. Sa Article 774 ng nasabing batas, ang pagmamana ay binigyan ng kahulugan bilang isang uri ng pagkakakuha ng ari-arian, karapatan o obligasyon sa kabuuang halaga ng mana ng tao na maaaring maipasa mula sa kanyang kamatayan sa ibang tao sa pamamagitan ng kanyang huling habilin o sa kawalan nito ay sang-ayon sa sinasabi ng batas.


Ang bawat tao ay may karapatang gumawa ng kanyang huling testamento nang sa gayun ay mahati niya ang kanyang mga pinagpagurang ari-arian sa kanyang mga mahal sa buhay nang naaayon sa kagustuhan nito. Subalit, kaakibat ng karapatang ito ay ang mga limitasyong itinalaga ng batas. Maliban sa mga parte ng mga ari-ariang nakatalaga para sa mga sapilitang tagapagmana, maaaring ipamigay ng tao sa pamamagitan ng kanyang huling testamento ang kanyang mga ari-arian sa mga tao o institusyong kanyang napili.


Ayon sa batas, ang mga sapilitang tagapagmana ay ang lehitimong anak o descendants. Sa kawalan ng anak, ang mga lehitimong magulang o ninuno, ang buhay na asawa, at ang mga hindi lehitimong anak (kung meron man).


Sa mga nabanggit, ang mga lehitimong magulang ng namatay ay hindi maaaring magmana sa nasabing namatay kapag mayroong mga anak ang huli sapagkat ayon sa batas, isinasantabi ng lehitimong anak ang karapatan ng mga lehitimong magulang ng taong namatay na magmana sa kanya. Ganun din na kinakailangang patunayan sa pamamagitan ng ebidensiya ng hindi lehitimong anak ang kanyang relasyon sa namatay, sapagkat ang mga lehitimong tagapagmana ay binibigyan ng batas ng proteksiyon.


Kapag ang tao ay namatay nang walang huling habilin o testamento, o may huling habilin subalit ito ay hindi balido, mahahati ang kanyang mga iniwang ari-arian nang naaayon sa probisyon ng batas na tumutukoy sa legal o intestate succession. Ang pagkakaayos o pagkakasunud-sunod ng mga magmamana, sa legal o intestate succession ay ayon sa mga sumusunod:


a) Lehitimong anak at ng kanilang mga lehitimong descendants (kasama ang mga legitimated at mga adopted);

b) Lehitimong magulang o mga ninuno;

c) Hindi lehitimong anak at ng kanilang descendants (kasama ang lehitimo at hindi lehitimo);

d) Ang buhay na asawa;

e) Mga kamag-anak hanggang sa 5th degree; at

f) Ang estado.

Sa mga nabanggit na tagapagmana ay hindi nakalagay ang manugang bilang tagapagmana ng kanyang biyenan, subalit kung ang manugang ay naging mabuti at napamahal nang husto sa kanyang biyenan maaaring mabigyan niya nito ng mana sa pamamagitan lamang ng huling habilin. Kailangan lamang na ang mana ng mga sapilitang tagapagmana nito ay naibigay na sa kanila.


Sa madaling sabi, ang mana ng manugang mula sa kanyang biyenan ay kukunin lamang sa free portion ng estate nito. Tanging iyon lamang matitira na bahagi sa mga iniwang ari-arian matapos mabigyan ang mga sapilitang tagapagmana ang siya lamang ari-arian na maaaring niyang ipamahagi sa kanyang manugang.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page