Pagkakaisa para malampasan ang pandemya
- BULGAR
- Jun 30, 2021
- 3 min read
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | June 30, 2021
Maraming epekto ang pandemya sa mga Pilipino — mula sa kalusugan hanggang sa kabuhayan. Ngunit kahit anuman ang ibato sa atin na mga pagsubok, hindi tayo nagpapatalo. Kaya kahit sa harap ng mga kritisismo at masasamang salita laban sa atin, patuloy pa rin ang aming paglilingkod ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa ikabubuti ng sambayanang Pilipino.
Gagawin natin ang lahat, kaya para sa ating mga kasamahan sa gobyerno pero nasa oposisyon at patuloy na nagiging kritiko, nasa magkaibang panig man tayo sa pulitika, pero isipin natin palagi ang kapakanan ng mga pinagsisilbihan natin.
Tandaan na hindi nakakain o nakatutulong ang kritisismo. Ang kailangan ng taumbayan ngayon ay serbisyo at pagmamalasakit. Hindi rin ito ang panahon ng sisihan at siraan, panahon ito ng pagtutulungan at pakikipagbayanihan. Isantabi muna natin ang pulitika at sariling interes upang maprotektahan ang buhay ng ating mga kababayan, lalung-lalo na ang mga ‘isang kahig, isang tuka’.
Tulad lamang ng 13 hospital bills na ating ini-sponsor na kamakailan lamang ay pinirmahan na ng ating Pangulo para tuluyang maging batas at mapaganda pa ang serbisyong pangkalusugan sa iba’t ibang sulok ng ating bansa. Bukod sa pinagpaguran ito ng mga kasamahan natin sa Senado, dumaan din ang mga ito sa butas ng karayom bago maging ganap na batas upang masigurong makabubuti ito sa bansa. Ang kooperasyon ng lahat ang naging susi upang maisakatuparan ito at mabigyan ng mas maayos na pasilidad-pangkalusugan ang mga mahihirap na komunidad na magiging benepisyaryo ng mga batas na ito.
Bukod pa rito, nagbukas din tayo ng mga dagdag na Malasakit Center sa Bontoc General Hospital sa Bontoc, Mountain Province; Masbate Provincial Hospital sa Masbate City; Bicol Region General Hospital and Geriatric Medical Center, sa Cabusao, Camarines Sur; at Camarines Norte Provincial Hospital sa Daet, Camarines Norte. May 124 Malasakit Centers na tayo ngayon. Ibig sabihin nito, mas marami pa tayong matutulungan na mga Pilipino sa kanilang pangangailangang medikal.
Masaya nating ibinabalita na patuloy lang ang pagdating ng mga bakuna sa bansa. Nananawagan tayo sa mga kuwalipikado na, base sa priority list, na magpabakuna na kayo at huwag mag-alinlangan pa. Ang bakuna ang susi tungo sa pagbabalik sa normal na pamumuhay at ang solusyon upang maprotektahan ang inyong mga sarili at pamilya.
At kahit na nariyan na ang mga bakuna, huwag pa rin tayong magpakakumpiyansa. Sumunod pa rin tayo sa health protocols at payo ng mga eksperto, lalo na at may bagong variant ng COVID-19 na nakapasok na sa bansa.
Higit sa lahat, magtulungan tayo. Isapuso ang diwa ng bayanihan at pagkakaisa, lalo na sa panahon ngayon. Huwag muna sana nating pag-usapan ang pulitika. Ang bigyang-pansin natin ngayon ay kung paano malalampasan ang pandemya.
Prayoridad natin mula noon hanggang ngayon ay ang walang tigil na pagseserbisyo sa kapwa Pilipino.
Salamat sa tiwala pero hindi tayo interesado sa usaping eleksiyon. Alam natin kung gaano kahirap ang trabaho ng Pangulo.
I leave my fate to God, to the Dutertes, and to the Filipino people to whom I owe the privilege of serving this nation as a public servant. Kung hindi dahil sa kanila, wala ako rito.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments