Pagharap ng saksi sa buy-bust operation
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 01, 2021
Dear Chief Acosta,
Sa pagdinig ng kaso ng aking anak, nagsabi ang pulis sa husgado na hindi na makadadalo ang naging saksi sa buy-bust operation nang sila ay mahuli. Gayunman, para sa kanila, sapat na ang kanilang ebidensiya tungkol sa pagkakahuli ng aking anak. Maaari ba ito? – Roger
Dear Roger,
Para sa inyong kaalaman, ayon sa Kataas-taasang Hukuman sa kasong Amroding Lindongan v. People of the Philippines (UDK No. 16615, 15 February 2021, Ponente: Honorable Associate Justice Estela M. Perlas-Bernabe), hindi maaaring basta-basta na lamang sabihin na hindi makadadalo ang mga saksi sa kaso ng inyong anak gayung required ang pagdalo ng mga ito sa pagdinig sa naturang kaso. Hindi rin pahihintulutan ng Hukuman na basta na lamang sasabihin ng kapulisan na hindi makapupunta ang mga nasabing saksi at kagyat na lamang papayagan ng Hukuman ang mga ebidensiyang kaugnay ng kanilang testimonya, lalo na kung hindi akma o sapat ang proseso ng kanilang pag-iimbita sa mga ito at wala ring katanggap-tanggap na kadahilanan ang kanilang hindi pagdalo sa pagdinig.
Maliwanag na ipinabatid sa nasabing kaso na:
“Anent the witness requirement, non-compliance may be permitted if the prosecution proves that the apprehending officers exerted genuine and sufficient efforts to secure the presence of such witnesses, albeit they eventually failed to appear. While the earnestness of these efforts must be examined on a case-to-case basis, the overarching objective is for the Court to be convinced that the failure to comply was reasonable under the given circumstances. Thus, mere statements of unavailability, absent actual serious attempts to contact the required witnesses, are unacceptable as justified grounds for non-compliance. These considerations arise from the fact that police officers are ordinarily given sufficient time - beginning from the moment they have received the information about the activities of the accused until the time of his arrest - to prepare for a buy-bust operation and consequently, make the necessary arrangements beforehand, knowing fully well that they would have to strictly comply with the chain of custody rule.” [Binigyang-diin.]
Samakatwid, hindi basta maaaring ipagpaliban na lamang ang pahayag ng mga saksi sa isang buy-bust operation at itaguyod ang ebidensiyang may kaugnayan sa kanilang testimonya, kung hindi naaayon sa nabanggit na pamantayan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments