Paghandaan natin ang El Niño
- BULGAR
- Mar 29, 2023
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 29, 2023
Opisyal nang inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) noong nakaraang Martes, Marso 21, na simula na ng summer season kung saan inaasahan umano ang dry and warm season hanggang katapusan ng Mayo ng taong kasalukuyan.
Sa mga darating na buwan, asahan natin ang mas mainit na temperatura at pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa na karaniwan ay maiimpluwensyahan ng easterlies at pulu-pulong pagkulog ayon mismo sa PAGASA.
Nagbabala ang ating weather bureau na paghandaan ang kasalukuyang sitwasyon upang maibsan ang heat stress at tiyaking hindi maaaksaya ang paggamit ng tubig para sa personal na paggamit at sa iba pang negosyo na kailangan ng tubig.
Ang deklarasyon ng PAGASA ay nasundan ng panibagong anunsyo noong Huwebes na El Niño Watch kung saan nakasaad ang mas mataas na tsansa ng El Niño conditions sa ikatlong quarter ng 2023.
Ayon sa PAGASA-Climate Monitoring and Prediction Section, ang inilabas nilang El Niño Watch ay dahil naging mas pabor ang climate conditions para sa pagkakaroon ng El Niño sa susunod na anim na buwan, sa tsansang 55%.
Batay sa pinakahuling kondisyon at model forecasts, tiniyak ng PAGASA na posibleng magkaroon ng El Niño sa mga buwan ng Hulyo, Agosto at Septyembre ng taong ito na puwedeng umabot pa hanggang taong 2024 at ang pinakahuling nagkaroon ng El Niño ay noong taong 2018 hanggang 2019.
Sa ngayon, patuloy na binabantayan ng PAGASA ang El Niño Southern Oscillation (ENSO) conditions sa tropical Pacific mula nang ipalabas ang huling La Niña advisory noong nakaraang linggo ng Marso.
Ayon sa PAGASA, karaniwang nagdudulot ang namumuong El Niño ng paglakas ng southwest monsoon, dahil bago ang tagtuyot, ilang lugar sa bansa, partikular ang kanlurang bahagi, ang maaaaring makaranas ng “above-normal” rainfall.
Binigyang-halimbawa ng PAGASA ang hindi makalilimutang trahedya ng Ondoy na nagdulot ng malakas at walang tigil na pag-ulan sa Metro Manila at mga karatig-lugar sa panahon ng pre-development ng El Niño noong taong 2009.
Sa pinakahuling pagtaya ng PAGASA, binanggit nila na maaari ring makaapekto ang El Niño sa pag-ulan sa Visayas at Mindanao dahil makakaranas umano ang mga rehiyong ito ng ‘below-normal’ rainfall sa mga susunod na buwan.
Kaya tama lamang na paghandaan natin ang mga anunsyong ito ng PAGASA dahil pagdating sa kalamidad ay wala naman tayong ibang maaasahan kundi ang tanggapang ito, na siyang magbibigay ng official updates at mga dapat gawin para labanan ang epekto ng El Niño.
Kung dati ay naghahanda ang mga lokal na pamahalaan, mas makabubuting doblehin natin ang paghahanda upang hindi na natin danasin ang ating sinapit noong Ondoy na ikinabigla ang lahat.
Hindi ko sinasabing may trahedyang darating na tulad ng Ondoy, ang sinasabi ko ay baka may dumating na huwag naman sana, kaya lamang ay labis ang aking pag-aalala dahil hindi natin matiyak ang panahon dahil sa climate change.
Naglabas kasi ng resulta ng survey ang Social Weather Stations (SWS) na siyam sa bawat 10 Pilipino o 93% ay may personal na karanasan sa matinding epekto ng climate change sa huling tatlong taon na nagdaan.
Isinagawa ng SWS ang survey na ito noong Disyembre lamang at natukoy na 17% ng mga respondents ay nakaranas ng matinding epekto ng climate change, 52% ang mas bawas ng bahagya ang epekto, 24% ang kakaunti ang naranasan at 6% lang ang hindi nakaranas.
Ang kagandahan sa naturang survey, 88% ng mga Pilipino ang nagpahayag na malaki ang kanilang paniniwala na may magagawa pa sila para maibsan kung hindi man kayang pigilan nang tuluyan ang climate change.
Umabot naman sa 76% ang nagsasabi na may magagawa pa ang mga tao para pigilan o pabagalin ang climate change kung talagang magkakaisa at sama-sama sa pagkilos, nasa 23% naman ang naniniwala na ang climate change at hindi na talaga mapipigilan.
Kaya natin ginamit ang resulta ng SWS survey ay upang ipakita sa inyo ang pulso ng publiko at hindi manggaling sa akin lamang ang mga pahayag na kailangan talaga natin ng dobleng pag-iingat.
Sa halos lahat ng kalamidad sa bansa, palagi tayong nakadalo sa ilalim ng ating ‘Bayanihan Relief’ operations, kaya ramdam ko ang hirap na dinaranas ng ating mga kababayan na sinalanta ng iba’t ibang klase ng trahedya.
Oo nga at nakakapagdala tayo ng mga relief goods at cash assistance, pero hindi ito sapat para makabangon nang buong-buo ang ating mga kababayan. Kaya mas mabuting maghanda dahil mas masarap sa pakiramdam na makitang ligtas tayong lahat pagkatapos ng kalamidad.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments