Paghahati ng lupang ipinamana
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 16, 2022
Dear Chief Acosta,
May naiwang lupain ang aking pumanaw na ama kung saan inilagay niya sa kanyang huling habilin na hindi namin puwedeng pagpartehan ang lupang ito sa loob ng limampung (50) taon. Nais na naming magkakapatid na hatiin na ito upang mabenta na ngunit may nakapagsabi sa amin na kailangan namin igalang ang hiling ng aking ama. Tama po ba iyon?
Daryl
Dear Daryl,
Ayon sa artikulo 494 ng New Civil Code of the Philippines:
“Art. 494. No co-owner shall be obliged to remain in the co-ownership. Each co-owner may demand at any time the partition of the thing owned in common, insofar as his share is concerned.
Nevertheless, an agreement to keep the thing undivided for a certain period of time, not exceeding ten years, shall be valid. This term may be extended by a new agreement.
A donor or testator may prohibit partition for a period which shall not exceed twenty years.
Neither shall there be any partition when it is prohibited by law.
No prescription shall run in favor of a co-owner or co-heir against his co-owners or co-heirs so long as he expressly or impliedly recognizes the co-ownership.” (Binigyang-diin)
Samakatuwid, maaaring gawing kondisyon ng inyong ama sa kanyang huling habilin ang hindi paghahati sa lupang ipinamamana niya sa inyong magkakapatid ngunit hindi ito dapat lalagpas ng dalawampung (20) taon. Sa inyong sitwasyon, sa kadahilanang limampung (50) taon ang kondisyon ng inyong ama, kinakailangan lamang ninyong maghintay ng dalawampung (20) taon, ang limitasyon na inilalahad sang-ayon sa ating batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments