Paghahanda sa Semana Santa, mga bus puwede na sa EDSA
- BULGAR

- Apr 6, 2025
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Apr. 6, 2025

Dahil sa nalalapit na ang Semana Santa, tiyak na marami sa atin ang abala na sa paghahanda para magsiuwi at magbakasyon sa kani-kanilang mga probinsya.
Kaya naman pansamantalang papayagan ang mga provincial bus na gumamit ng EDSA simula sa Miyerkules, Abril 9, kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga biyahero ngayong Mahal na Araw, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sinabi ni MMDA Chief Romando Artes na pahihintulutan nila ang mga bus na dumaan sa EDSA mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling-araw umpisa sa Abril 9. Habang papayagan ang mga ito 24 oras sa pangunahing lansangan simula Abril 16 hanggang 20.
Ayon sa opisyal, ang mga bus na nagmumula sa North Luzon ay aabot hanggang Cubao area sa Quezon City, habang ang mga manggagaling sa South Luzon ay aabot naman hanggang sa Pasay area sa Pasay City.
Kaugnay nito, naglabas na rin ang kagawaran ng kanilang traffic plans para sa Semana Santa upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawaan ng parehong mga motorista at komyuter.
Aniya, magkakaroon ng “full deployment” ng 2,542 field personnel at 468 asset sa mga pangunahing kalsada at transport hub sa National Capital Region (NCR). Simula Abril 16, ang kagawaran ay magpapatupad ng “no day-off, no absent” policy para sa kanilang field traffic personnel.
Sinabi ni Artes na ang MMDA Communications and Command Center ay mananatiling operational 24/7, kung saan mayroong isang team na nakatalagang i-monitor ang real-time updates sa pamamagitan ng closed-circuit television camera sa iba’t ibang critical areas sa Metro Manila at iba pang mga aktibidad at sitwasyon.
Ipapatupad naman ang skeletal deployment para tumutok sa mga nakagawiang Visita Iglesia sites kasama na ang tinatawag na ‘panata’ route na papuntang Antipolo at Grotto.
Gayundin, naka-standby ang MMDA Road Emergency Group para magbigay ng mga basic roadside emergency services habang ang mga ambulansya at mga tow truck ay ipapakalat sa mga strategic location.
Sa kabilang banda, ang mga Inter-agency support desk ay ilalatag malapit sa mga transport terminal para asistehan ang mga biyahero.
Naka-standby din ang mga road emergency personnel upang magbigay ng medical assistance at first aid kung kinakailangan.
Magsasagawa naman ang MMDA ng cleaning and road clearing operations sa iba’t ibang kalsada ng NCR upang masigurong walang sagabal sa trapiko at pedestrian at iba pa.
Ang hakbang na ito ng kinauukulan ay makabubuti sa lahat ng komyuter at motorista habang ginugunita ang Semana Santa. Mas magiging maayos ang ating mga lansangan at matitiyak pa ang kaligtasan ng mga biyaherong uuwi sa mga lalawigan.
Kumbaga, pinaghahandaan nila nang mas maaga ang ganitong okasyon upang hindi sila nagkukumahog at para hindi rin mahirapang iresolba ang mga simpleng problema.
Hiling lang natin sa mga operator ng bus at driver na tiyakin nilang nasa kondisyon ang kanilang mga sasakyan bago ibiyahe para maging safe din ang mga pasahero.
Paalala natin sa mga kababayan na dapat na magdoble-ingat din tayo sa ating mga gagawing paglalakbay, at huwag lang umasa sa mga otoridad nang sa gayon ay magunita natin ang Mahal na Araw nang ligtas at maginhawa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments