top of page

Paghahanda at bayanihan ngayong panahon ng kalamidad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 3 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | November 7, 2025



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Tuwing panahon ng bagyo, hindi lang ulan at hangin ang kalaban natin kundi ang kawalan ng kahandaan. Damang-dama natin ang pananalasa ng Bagyong Tino na nagdudulot ng matinding pag-ulan, malalakas na hangin, pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao. Patuloy ang pag-update ng mga otoridad hinggil sa lakas, galaw, at pinsalang iiwan nito kaya’t dapat tayong manatiling alerto at handa sa lahat ng oras. Higit sa lahat, patuloy din tayong magdasal at manalangin sa Diyos upang bigyan tayo ng lakas ng loob at gabay sa gitna ng pagsubok.


Muli kong ipinapaalala sa ating mga kababayan: huwag balewalain ang mga babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at ng inyong lokal na pamahalaan. Sa panahon ng kalamidad, ang disiplina at pakikipagtulungan ang pinakamabisang proteksyon. Tulad ng madalas kong sabihin, mas mabuti nang mag-ingat kaysa magsisi.


Naniniwala ako na ang kalusugan at kaligtasan ay magkaugnay. Kapag nasisira ang mga bahay at imprastraktura, naapektuhan din ang mga pasilidad pangkalusugan at ang kakayahan ng mga pamilya na manatiling ligtas at malusog. Kaya’t sa aking patuloy na health reforms crusade, sinisiguro kong ang ating mga komunidad ay hindi lamang nakatutok sa pagbangon pagkatapos ng sakuna, kundi sa pagiging handa bago pa man ito tumama.


Bilang principal author at co-sponsor ng Republic Act No. 12076 o ang Ligtas Pinoy Centers Act, isinusulong ko ang tuluy-tuloy na pagpapatupad ng batas na ito upang matiyak ang pagtatayo ng mga permanente, disaster-resilient, at fully equipped evacuation centers sa buong bansa. Mahalaga ito upang may ligtas na mapupuntahan ang ating mga kababayan sa tuwing may kalamidad.


Ako po ay nakikiusap sa mga kasamahan ko sa gobyerno. Bigyang prayoridad ang evacuation centers dahil batas naman po ito kaysa nasasayang sa flood control na ginagawang gatasan ng iilan.


Kaya nga po nananawagan ako: imbes na gamitin sa flood control, gamitin na lang sa evacuation center. Ilang libo ang pwedeng ipatayo kaysa mapunta sa pagnanakaw ng iilang oportunista. Kaya gamitin ang pera ng tao sa tama. Tumbukin natin ang may sala talaga. 'Yung may kalokohan, 'yung mastermind. Kailangan na makulong ang mga buwaya at managot ang nararapat managot.


Bukod dito, muling kong inihain ang Senate Bill No. 173 o ang Department of Disaster Resilience Act, na layuning lumikha ng isang ahensyang tututok lamang sa disaster risk reduction, preparedness, response, at rehabilitation—isang hakbang para mapalakas ang koordinasyon at pagiging epektibo ng ating mga programa laban sa sakuna.


Habang binabantayan natin ang epekto ng Bagyong Tino, sama-sama tayong magdasal at isama po natin sa ating mga panalangin sa Diyos ang mabilis na pagbangon ng ating mga kababayan na nasalanta ng kalamidad. Walang bagyong mas malakas sa isang bansang nagkakaisa para sa kaligtasan at kapakanan ng bawat Pilipino.  Sa mga tinamaan na ng Bagyong Tino, lalo na sa Kabisayaan, umaapela tayo sa mga ahensya ng gobyerno na tulungang makabangon kaagad ang ating mga kababayan.


Noong October 30, personal kong dinalaw at tinulungan ang 1,233 na kababayan mula sa iba’t ibang sektor sa Lupon, Davao Oriental. Patuloy kong sisikapin na makapag-abot ng tulong at suporta sa ating mga nangangailangan na kababayan sa abot ng aking makakaya.


Noong nakaraang linggo naman, nagtungo ang Malasakit Team sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang maghatid ng tulong at agad na tumulong sa mga nasunugan sa Jaro, Iloilo City; Cagayan de Oro City; at San Andres Bukid, Manila.


Nag-abot din ng tulong ang Malasakit Team sa mga micro-entrepreneur sa La Paz, Loreto, San Luis, at Bunawan sa Agusan del Sur; at Tandag City, Surigao del Sur.


Bukod dito, ilang mga iskolar din ang tumanggap ng mga regalo mula sa Malasakit Team katuwang ang Greenland Integrated Farm sa Basey, Samar.


Bilang inyong Mr. Malasakit, hangad ko ang kaligtasan ng lahat dahil naniniwala ako na ang kalusugan ay katumbas ng bawat buhay ng bawat Pilipino. Kaya naman po patuloy akong magseserbisyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo.



Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page