Paghahanay-hanay ng mga planeta, makikita’t makapagpapamangha
- BULGAR

- Jan 22
- 3 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Jan. 22, 2025

Samu’t sari ang nagkakasalungat na mga ulat kamakailan na nagsasaad na simula nitong nakaraang Martes at lalo na sa Sabado, ika-25 ng Enero, ay mas makikita ng ating mga mata ang paghahanay-hanay o “parada” ng karamihan sa mga planeta ng Sistemang Solar. Kabilang sa mga naipabatid na matatanaw pagkalubog ng araw ay ang Venus, Mars, Jupiter at Saturn, at, kung tayo’y may magagamit na teleskopyo, ang Uranus at Neptune. May hirit pa na bandang alas-6:03 ng gabi makikita ito ng mga nasa Tsina at Hong Kong, na pawang kapareho natin ng time zone.
Hindi man labis na bihira ang pangyayaring ito ayon sa mga eksperto sa dalubtalaan o astronomiya, pambihira pa ring mapagmasdan ang magiging pagtatanghal — isang pangkalawakang palabas na walang kinalaman ang sinumang tao at tanging ang Manlilikha ang may-akda.
Sa pangunahing banda, malaking bagay ito kung iisipin ang distansya ng nabanggit na mga planeta mula sa ating daigdig. Ang pinakamalapit sa atin sa mga iyon, ang Mars, ay naitalang 78.34 milyong kilometro ang layo sa atin, samantalang ang pinakamalayo sa mga nabanggit, ang Neptune, ay mahigit 4.351 bilyong kilometro ang distansya mula sa Earth.
Ngunit matanaw man natin o hindi ang napakalayong mga mundong iyon, may ‘di maikakailang pakinabang ang kahit kailang pagmamasid sa kalangitan.
Sa isang banda, dala ng kinakailangang pagtingala sa karingalang kayang maabot ng ating paningin, tayo ay maeengganyong magpakumbaba habang mauunawaang napakamunti ng sangkatauhan at ng ating mga kasalimuotan at suliranin sa gitna ng milya-milyang sandaigdigan. Kung totoo pa ngang may kakaibang mga nilalang sa mga mundong hindi pa naaabot ng ating mga kasangkapang pangsiyensya, lalo pa nating mauunawaan na hindi lamang tayo sa sangkatauhan ang pangunahing “bituin” ng malawakang sansinukob.
Makapagpapaliit ng anumang bumabagabag sa ating puso’t diwa ang pagtanaw sa mga planeta’t konstelasyon, na makapagpapagaan din naman ng ating kalooban. Sa ating magiging pagtutok sa karikitan ng tahimik at mapayapang kalangitan ay maiwawaksi, kahit panandalian, ang anumang mga kagambalaan at ingay sa gitna ng ating araw. Pasasalamatan tayo ng ating katawan sa pamamagitan ng pagbaba ng ating alta presyon at paggaan ng ating katawan at paghinga, pati sa paghimbing at paglalim pa ng ating pagtulog. Kung gagawin pa natin nang madalas ang pagtitig sa himpapawid sa labas ng ating daigdig, mapapalaya natin ang ating sarili sa milyun-milyong bumibihag at umaagaw ng ating atensyon. Natural na medisina upang magamot ang ating balisang diwa.
Sa isa pang punto, mistula ring tagapagbuklod ang makikita nating maniningning na laman ng panggabing kalangitan, na habang ating natatanaw ay nakikita rin ng ating kapwa sa ibang lupalop ng mundo — mga tao na posibleng hindi lang ating kababayan kundi baka pa nalulumbay nating minamahal sa buhay.
Sa gitna ng lahat ng iyan ay nakamamanghang matanto na ‘di mabibilang at tila walang hangganan ang posible pa nating malaman, madiskubre at matanggap sa maipagkakaloob na kahabaan ng ating talambuhay.
Sa bandang huli, ang minsang matatanaw na pagkakahanay ng mga planeta ay maituturing ding sagisag na, sa kabila ng milyun-milyong posibilidad sa kalawakan ng buhay ay may mga nakagagalak na pambihirang pagkakataon, kung saan ‘di inaasahang magtutugma-tugma ang kapalaran at magkrus ng landas ang halimbawa’y matagal nang magkalayo mula sa isa’t isa. Na kadalasan ang tamang panahon pala para makamit ang ating minimithi ay ang naaayon hindi sa ating ninanais kundi ayon sa wagas na kagustuhan ng Maykapal.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.







Comments