Paggamit ng gift check ng senior citizen
- BULGAR
- Jul 13, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 13, 2021
Dear Chief Acosta,
Ang aking 67-taong-gulang na lola ay niregaluhan ko ng gift check na nagkakahalaga ng 5,000 mula sa hotel. Nang kanya itong gagamitin na ay sinabihan siya ng pamunuan ng hotel na kailangan pa niyang magdagdag-bayad sapagkat ang kuwarto na kanyang nais tuluyan ay nagkakahalaga ng Php 8,000. Sinabihan siya na sa kadahilanang siya ay gumamit ng gift check, hindi siya maaaring bigyan ng senior citizen discount, kaya kailangan niyang bayaran ang kabuuang halaga ng published rates para sa nasabing kuwarto, matapos ibawas ang halaga ng kanyang gift check. Tama ba iyon? – Lana
Dear Lana,
Ang mga batas na sasaklaw tungkol sa inyong katanungan ay ang Republic Act No. 10962 o mas kilala bilang Gift Check Act of 2017, at Republic Act No. 9994 na mas kilala bilang Expanded Senior Citizens Act of 2010. Nakasaad sa Section 8 ng Republic Act No. 10962 na:
“Section 8. Applicability to Promotional Programs, Warranties, Return Policies, and Senior Citizens and Persons with Disability Discounts. - Promotional sales activities, loyalty programs, warranties, return policies for cash purchases, and discounts for senior citizens and persons with disability as provided for under the relevant laws and rules and regulations, shall apply likewise to purchases of goods and services that are paid for with gift checks.” (Binigyang-diin)
Samantala, nakasaad sa Section 4 (7) ng Republic Act No. 9994 na:
“SEC. 4. Privileges for the Senior Citizens.
(7) on the utilization of services in hotels and similar lodging establishments, restaurants and recreation centers…xxx”
Batay sa mga nabanggit na probisyon ng batas, ang inyong lola ay marapat pa rin bigyan ng senior citizen discount, kahit gift check ang kanyang gagamiting pambayad sa hotel na nais niyang tuluyan. Malinaw na nakasaad sa batas na ang discount na inilaan para sa mga senior citizens ay iiral pa rin kahit na ang gagamiting pambayad para sa mga kuwalipikadong bilihin o serbisyo ay gift check. Samakatwid, ang karagdagang halaga na dapat bayaran ng inyong lola ay ang natirang balanse mula sa halaga ng kuwarto na kanyang nais tuluyan, matapos ibawas ang kanyang senior citizen discount at ang halaga na nakasaad sa kanyang gift check.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments