Paggamit ng enerhiyang nukleyar, may natatanaw nang pag-asa
- BULGAR
- Jun 18
- 2 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | June 18, 2025

Nakakabanaag tayo ng matimyas na pag-asa tungo sa sapat at maaasahang suplay ng kuryete sa bansa sa gitna ng ratipikasyon ng Philippine National Nuclear Energy Safety Act ng Senado at Kamara de Representantes kamakailan.
Sa gitna ng nararanasang pandaigdigang modernisasyon ng teknolohiyang nukleyar at pagsasaayos ng mga nauna nang kamalian o pagkukulang sa sistema ng enerhiyang nukleyar sa nakaraang mahigit sa kalahating siglo, minabuti ng ating Kongreso na ilatag na ang kinakailangang batas para hindi mapag-iwanan ang Pilipinas at tiyakin ang ligtas, hindi makokompromiso at may sapat na pananggalang tungo sa mapayapang paggamit ng nukleyar sa bansa.
Magugunitang sa ginawang survey noong 2019 ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Energy, lumabas na mayorya ng mga Pilipino ay pamilyar na at pabor sa paggamit ng enerhiyang nukleyar sa bansa.
Binigyang-diin naman ni Energy Usec. Sharon Garin, OIC ng kagawaran, na ang pagtatayo ng Philippine Atomic Energy Regulatory Authority o PhilATOM sa ilalim ng niratipikahang lehislasyon ay hindi mangangahulugan ng agarang pagtatayo ng plantang nukleyar. Anumang pagsusumikap tungo rito ay kailangang dumaan sa mabusisi, hakbang-kada-hakbang na proseso, ayon sa mahigpit na mga rekisito ng International Atomic Energy Agency o IAEA.
Tagapagtaguyod ng ating ekonomiya ang pagkakaroon ng sapat at maaasahang suplay ng kuryente. Kung papalya-palya ito at hindi sustenable, malulugi ang mga negosyo at lilisan ang mga namumuhunan sa bansa. Ang enerhiyang nukleyar ay hindi lamang maaasahan, kundi mabuti para sa kalikasan dahil ito ay malinis.
Sinabi maging ng Pangulo ng Estados Unidos kamakailan, “It’s time for nuclear (Panahon na para sa nukleyar)”. Simula noong 2021, ang mga kapitalista ay namuhunan na ng US$2.5 bilyon para sa next-generation nuclear technologies sa gitna ng malawakang paggamit ng AI na kumukonsumo ng labis-labis na kuryente.
Marami na sa buong daigdig ang naniniwalang ang pagtahak sa makabagong panahon ng nukleyar ay hindi na maaaring mahinto o masikil.
Ayon nga sa isinulat kamakailan ng ekonomista at kapwa kolumnistang si Bienvenido Oplas, may kaugnayan ang malawak na paggamit ng enerhiyang nukleyar sa mababang inflation. Aniya, ang mga bansang may bumababang paggamit ng nukleyar base sa total generation ratio ay nakararanas ng tumataas na inflation rate o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Samantala, ang bansa namang may tumataas na paggamit ng nukleyar ay nakararanas ng pagbaba ng inflation rate tulad ng South Korea, China, India at United Arab Emirates.
Bagama’t matagal pa ang proseso, ang paglalatag ng pundasyon para sa pagdaloy sa bawat tahanan at tanggapan sa bansa tungo sa mas malinis, maaasahan at para sa lahat na suplay ng kuryente ay nasimulan at umuusad na.
Umaasa tayong magtutuluy-tuloy na ito at darating ang panahong hindi lamang tayo makararanas ng sapat na suplay ng kuryente, kundi mas mura at malinis pa na inklusibong makapagpapainog sa ating ekonomiya at kabuhayan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments