top of page

Paggamit ng cellphone habang nagmamaneho ng bulldozer, bawal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 15 hours ago
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 27, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta, 


Mayroong ginagawang gusali sa isang lote sa aming bayan na tapat mismo ng mga pangunahing lansangan. Sa tagal ng konstruksyon nito ay malubhang trapiko na ang idinudulot sa aming lugar. Marami na sa amin ang nagrereklamo sa abala at gulo na dulot nito sa aming bayan. May mga ilang insidente na rin na nakaaksidente ang mga trak ng semento at mga bulldozer na gamit nila rito dahil sa kapabayaan ng mga nagmamaneho ng mga ito. Ilang beses na at patuloy pa rin na nakikitang gumagamit at naglalaro ng cellphone ang mga drayber nito habang nagpapaandar ng mga nasabing sasakyan sa mismong kalsada ng bayan. Hindi ba bawal ang paggamit ng telepono habang nagmamaneho? Kapag kasi sinisita sila tungkol dito ay nagdadahilan sila na diumano hindi naman pampublikong sasakyan ang gamit nila kaya anila ay ‘di sakop ng batas ang mga trak ng semento at bulldozer. Tama ba ito? May sinasabi ba ang ating batas tungkol sa pananagutan ng mga nagmamaneho, maging ang pamunuan o may-ari ng mga nasabing sasakyan? Sana ay mapayuhan ninyo kami. Maraming salamat! — Juliana



Dear Juliana,


Bilang sagot sa iyong katanungan, tayo ay sasangguni sa Republic Act (R.A.) No. 10913, na kilala bilang Anti-Distracted Driving Act. Ayon sa batas na ito, ipinagbabawal ang paggamit ng mga mobile communication devices tulad ng mga cellphones, habang nagpapaandar ng mga sasakyan na de-motor. (Sec. 4, R.A. No. 10913) Ipinasa ang batas na ito alinsunod sa polisiya ng Estado na pangalagaan ang publiko laban sa panganib at pinsala na dulot ng hindi masawatang paggamit ng mga electronic mobile devices na gumagambala sa atensyon ng mga motorista sa kalsada. (Sec. 2, Ibid.) 


Nakasaad sa batas na ito na sakop dito ang mga sasakyang de-motor na gamit sa pampublikong lansangan. (Sec. 3(g), Revised Implementing Rules and Regulations (IRR) of R.A. No. 10913) Patungkol sa sinasabing hindi sakop ng batas ang mga sasakyang tulad ng trak ng semento at bulldozer, hayagang binabanggit sa Section 5 ng IRR ng R.A. No. 10913 ang mga trak ng semento at bulldozer na pinapaandar sa mga pampublikong lansangan: 


Section 5. Extent of Coverage xxx


b. Wheeled agricultural machineries such as tractors and construction equipment such as graders, roller, backhoes, pay loaders, cranes, bulldozers, mobile concrete mixers and the like, and other forms of conveyances such as bicycles, pedicabs, habal-habal, trolleys, ‘kuliglig’, wagons, carriages, carts, sledges, chariots or the like, whether animal or human-powered, are covered by the provisions of this IRR as long as the same are operated or driven in public thoroughfares, highways or streets, or under the circumstances where public safety is under consideration. xxx” 


Malinaw rito na ang mga sasakyang nabanggit sa iyong salaysay ay kabilang sa mga sakop na sasakyan sa ilalim ng R.A. No. 10913. Dahil dito, kabilang ang mga nagmamaneho ng mga ito sa mga hindi maaaring gumamit ng telepono habang nasa pampublikong lugar o daanan. 


Patungkol naman sa pananagutan ng may-ari ng mga nasabing sasakyan at sa mga nagmamaneho nito, sinasabi ng batas na: 


“The owner and/or operator of the vehicle driven by the offender shall be directly and principally held liable together with the offender for the fine, unless he or she is able to convincingly prove that he or she has exercised extraordinary diligence in the selection and supervision of this or her drivers in general, and the offending driver in particular. xxx” (Sec. 9, Rule 4, IRR of R.A. No. 10913. 


Ibang sabihin, magkasamang mananagot ang may-ari ng sasakyan at ang nagmamaneho nito sa paglabag sa R.A. No. 10913. Mabuting ipagbigay-alam kaagad sa otoridad ang nasabing maling gawain upang magawan ng karampatang aksyon at reklamo.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page