Paggalang sa iba’t ibang lahi’t kultura, susi sa pagkakaunawaan
- BULGAR
- 8 hours ago
- 3 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 23, 2025

Naging laganap kamakailan ang isang simpleng meme kung saan binanggit ng may-akda nitong Pinoy na nasa ibayong dagat na sa Europa at iba pang maunlad na mga lupalop, ang mga akademikong matataas ang ranggo ay hindi nagpapatawag ng “doktor” o “propesor” sa unahan ng kanilang pangalan. Bagkus, ayon sa kultura sa mga lugar na iyon ay maaaring tawagin ang naturang mga propesyonal gamit lamang ang kanilang palayaw, ’di tulad sa Pilipinas kung saan bukambibig ang naturang mga titulo kung babanggitin ang ngalan ng mga nakapagtamo nito.
Napapanahon ang kuro-kurong iyan dahil itong kalilipas pa lamang na ika-21 ng Mayo ang itinalagang World Day for Cultural Diversity for Dialogue and Development. Itinatag iyon ng United Nations noong 2002 bilang pagdiriwang ng kariwasaan ng mga kultura sa buong daigdig at, higit pa roon, ang mahalagang papel ng dialogo ng magkakaibang lahi’t kultura tungo sa pagkamit ng kapayapaan at kaunlaran.
Ang kultura sa usaping ito ay patungkol sa sangkatauhan at sa ating mga kaugalian, mga institusyong panlipunan, uri ng sining, at mga natamong kakayanan o tagumpay ng isang grupo o lahi ng mga tao o ng isang bayan. Ang ganyang mga bahagi ng kultura ay hindi magigisnan saan man sa kaharian ng mga hayop, na marahil ay ugat ng paghalintulad sa hamak na baboy ng taong tila “walang kultura.”
Sa modernong panahon, ang pagtugis sa pangangailangan o kasaganaan ay nagreresulta sa pagkakahalo-halo ng mga kultura, ng sa atin at sa iba. Kabilang dito ang patuloy na pakikipagsapalaran ng ating mga kababayang manggagawa sa ibang bansa at sa kanilang pagkatutong makihalubilo’t umunawa sa banyagang mga tao’t kostumbre, pati ng paglipana sa ating kapuluan ng mga dayuhang naaakit ng ating abot-kayang pamumuhay at edukasyon o ng ating pagiging bukas-palad sa kanilang iniaalok na mga inangkat na produkto o serbisyo.
Sa isang banda, nakatutuwang makitang ang mga pamantasan ay nagiging mikrokosmo ng malawakang sanlibutan, dahil bukod sa kanilang mga mag-aaral na Pilipino ay may mga galing ng Gitnang Silangan o kapitbahay nating Asyanong bansa, kung kaya’t may maagang pagkakataon ang ating mga supling o pamangkin na matutong makisalamuha sa iba ang mga tradisyon at tinubuang lupa. Ang ating mga kauring naninilbihan sa mga call center o BPO naman ay nagiging bihasa sa mga pag-uugali at klase ng pamamalakad ng mga Amerikano, Australyano at iba pa.
Sa kabilang banda ay may nakadidismayang mga realidad kung saan nakatambad ang pang-iinsulto, panlalait at pananamantala sa ating mga panturistang pook o mamamayan ng ilang mga dayo, gaya ng napababalita sa social media na pang-aabuso sa ilang mga puwesto sa Siargao, sa Kalakhang Maynila o sa ating karagatan, na tila ba’y tinatratong kolonya ng kanilang pinanggalingang lupain ang ating minamahal na Inang Bayan.
Dahil samu’t sari ang mga lahi, hindi kataka-taka na may mga ensiklopedya sa Internet ukol sa kultura na maaaring mabasa ninuman upang maipakilala ang sarili sa lokal man o ekstranyong mga kagawian. Ngunit lumalabas na hindi sapat ang mga ito upang maiwasan o makitil ang mga insidenteng nagpapalabas ng pangmamaliit o panlalapastangan ng ilang mga hindi natin kababayan. Kailangan pa bang mauwi sa sukdulang kaparaanan upang masugpo ang ganoong mga pangyayari at madisiplina ang mga mapangwaldas sa ating mga bisita, gaya halimbawa ng pagtatag ng sariling paaralan o pulisya ng ating Kawanihan ng Pandarayuhan o Kagawaran ng Turismo?
‘Di maitatwa na napakahalaga ng wastong oryentasyon sa kulturang kalalahukan, kung kaya’t dapat mahigpit na ipairal sa mga panauhin sa ating bansa ang pag-alinsunod at pagrespeto sa ating taumbayan at mga kaugalian. Ganito rin naman ang inaasaha’t inoobliga sa mga OFW ng kanilang pinaglilingkuran at pansamantalang inuuwiang bayan, na karaniwan namang nasusunod at natutupad. Tayo pa, na kahit papaano’y patuloy na naipaiiral ang likas na paggalang sa pamamagitan ng pagsambit ng “po” at “opo” sa nakatatanda.
Nararapat na ang bawat isa, atin mang kalahi o hindi, ay maging mapagmatyag, malingap at maunawain sa iba, kapwa tao man o kakaibang kultura. Kung kaya’t maiintindihan ang mga katotohanang gaya ng ating pambungad na usapin dito, kung saan ang pag-aasam na matawag na “propesor” o “doktor” sa bawat sandali ay maaaring bunga ng pagiging napakalaking katuparan na maging edukado sa gitna ng kalunos-lunos na kamangmangan sa kapaligiran.
Kung uugaliin at palaging aasintaduhin ang pag-intindi at paggalang sa iba’t ibang katauhan at kultura, mauuwi sa kaginhawahan at kapayapaang makapagpapaaliwalas ng ating buhay saan man.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments