Pagdo-donate ng dugo, kapaki-pakinabang sa kapwa at sa sarili
- BULGAR
- Jun 13
- 3 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | June 13, 2025

Kailan ka huling nakapag-alay ng dugo?
Naitatanong natin iyan dahil ngayong Sabado ang pang-21 na pagdiriwang ng World Blood Donor Day. Ito ay isa sa 11 na mga malawakang kampanyang pangkalusugan ng World Health Organization at bukod-tanging patungkol sa pagbibigay ng dugo at pasasalamat sa mga nagpapatupad nito.
Iyang espesyal na araw ay permanenteng parangal din para sa biyologong si Karl Landsteiner, na ipinanganak noong Hunyo 14, 1868 at ginawaran ng premyong Nobel noong 1930 dahil sa kanyang masigasig na pagkakatuklas ng grupong ABO ng dugo.
Kung malusog at kuwalipikado, maaari tayong makapagbigay ng dugo ng may tatlo hanggang apat na beses, na may pagitan na tatlong buwan, sa loob ng isang taon. Magagawa ito sa mga bangko ng dugo o kaya’y sa mga bloodletting na programa ng mga kumpanya o pamantasan.
Marami ang maaaring mangailangan o makinabang sa naiaalay na dugo. Primero ang mga may sakit na gaya ng kanser o iba pa na mangangailangan ng operasyong makapagpapabawas o makapagbubuwis ng dugo, pati na ang mga kababaihang magkakakumplikasyon sa pagbubuntis o panganganak. Kabilang din sa mga benepisyaryo ay ang mga biglaang biktima ng pagkabundol o banggaan sa kalye, na lubhang mababawasan ng dugo dahil sa mga sugat na natamo.
Itinatayang may mangangailangang masalinan ng dugo sa bawat dalawang segundo, kung kaya’t, sa anumang araw o sandali, mahalagang may sapat na nakaimbak na dugo sa mga ospital o sa Philippine Red Cross (PRC). Hanggang 42 na araw lamang bago mapanis ang maitatabing dugo sa mga nabanggit na lugar at dapat ay sariwa ang dugong isasalin. Kaya naman walang humpay ang pagtanggap ng pumasang pulang likido sa mga pagamutan at sa mga tanggapan ng PRC.
Ngunit hindi lamang pagliligtas ng buhay ang marikit na kapalit ng paghahandog ng dugo, dahil napakarami ng ’di matatawarang pakinabang nito sa ating kalusugan.
Sa isang banda, dahil sa magiging pagsusuri sa dugong iaalay, makukumpirma nang libre, kung tayo’y walang nakababahalang sakit, pati ng anemya o kakulangan sa dugo o kakulangan ng iron sa katawan.
Malalaman din kung ano ang tipo ng sariling dugo kung sakaling hindi pa ito nababatid. Higit pa sa mga iyan ay makababawas ng panganib na magkasakit sa puso o magkakanser, makatutulong sa kalusugan ng atay, makapagwawaksi ng stress at makapagpaaliwalas ng diwa’t isipan.
Upang matiyak na ligtas ang maisasalin na dugo, ang makokolektahan — na dapat ay nasa 18 hanggang 65 ang edad — ay kinakailangang matiwasay ang kalusugan.
Kabilang sa palatandaan nito ay ang kawalan sa katawan ng nakahahawang birus gaya ng HIV o hepatitis; hindi labis o kulang ang presyon ng dugo; walang sipon, ubo o ano mang karamdamang posibleng makadulot ng impeksyon; hindi gumagamit ng ipinagbabawal na gamot; hindi kagagaling lamang sa anumang pagtitistis, maski pagpapabunot ng ngipin; at hindi nagawi sa ilang bansang may naitalang mga kaso ng nakahahawang sakit.
Kailangan ding sapat ang timbang, hindi nakainom at hindi kulang sa tulog. Kung nagpa-tattoo o may pagpatusok sa katawan gaya ng pagpapahikaw ng tainga o saan pa, mahalagang kondisyon sa iba’t ibang blood bank na may tatlo, anim o 12 buwan na ang nakalilipas mula nang maipagawa ang mga iyon.
Walang dapat ikabahala ang mag-aalay ng dugo. May natural na sistemang pantustos ang ating katawan, sa pamamagitan ng paggawa ng sariwang dugong selula ng ating bone marrow, upang mapalitan ang maibibigay na dugo.
Samantala, malinis ang kagamitan para sa pagkuha ng dugo mula sa ating braso. Ang proseso ay hindi masakit at tila ika’y nakurot lamang, lalo na kung nakailang beses nang naturukan ng karayom sa tuwinang pagpapa-blood test sa suking laboratoryo.
Matapos ang matagumpay na pagbibigay ng dugo, marapat na magpahinga nang saglit bago umuwi at huwag munang gumawa ng nakapapagod na gawain gaya ng pagmamaneho o pag-eehersisyo sa loob ng ilang oras, upang maiwasang mahilo o mahimatay.
Sa madaling salita, ang pagbibigay ng dugo ay isang kapaki-pakinabang na gawain alin mang panig ito tingnan. Kung tayo’y makapag-aalay, samantalahin ang maraming benepisyo nito sa ating pangangatawan.
Kung pag-aalayan, suklian ang kagandahang-loob ng mala-bayaning mga tagapagbigay sa pamamagitan ng pagpapamalas ng kabutihan sa kanila o kawanggawa sa naghihikahos nating kapwa na dahil sa mga dagok ng pamumuhay ay matagal nang nagmistulang duguan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments