top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Pagdiriwang ng ika-66 kaarawan ni ka Eduardo Manalo

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 29, 2021
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 29, 2021



Ngayong Oktubre 31 ay magdiriwang ng ika-66 kaarawan si Ka Eduardo V. Manalo,


Tagapamahalang Pagkalahatan ng Iglesia Ni Cristo at ramdam natin sa buong kapuluan ang maraming nagmamahal sa kanya na nagpaabot na ng mga pagbati sa iba’t ibang paraan.


Bukod sa mga pagbati ay napakarami rin ng nag-alay ng panalangin na sana ay dugtungan pa ng mahabang buhay si Ka Eduardo at bigyan ng sapat na kalusugan upang lalo pa niyang mapag-ibayo ang pagpapalaganap ng ebanghelyo.


Bakas sa ngiti ng maraming kaanib ng Iglesia Ni Cristo ang kaluwalhatian, kasiglahan at kuntentong pakiramdam dahil sa mahusay na pamamahala ni Ka Eduardo hindi lamang sa ating bansa kung hindi maging sa ibayong dagat.


Kahanga-hanga ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo dahil walang katulad ang kanilang pananampalataya na sa kanilang pagpanaw ay naghihintay ang kaharian ng Panginoon na katotohanang dahilan kung bakit nananatiling matatag ang kanilang pagiging kaanib.


Bilang bahagi ng taun-taong pagdiriwang sa kaarawan ni Ka Eduardo ay sisimulan na ang Worldwide Lingap sa Mamamayan kung saan ay muli na namang mamamahagi ng tulong ang buong Iglesia Ni Cristo sa araw mismo ng kanyang kaarawan.


Hindi na naman bago ang aktibidades ng Iglesia Ni Cristo dahil noong nakaraang taon ay nagsagawa rin sila ng malawakang pamamahagi na tinawag nilang Aid To Humanity na sa gitna ng kasagsagan ng pandemya ay ramdam na ramdam ang kanilang pagsisikap na maabot ang lahat ng nangangailangan.


Maraming mahihirap na bansa na talagang labis ang pangangailangan ang makikita ang presensiya ng Iglesia Ni Cristo na nangunguna sa pagbibigay ng ayuda ng walang kapalit na hinihingi maliban sa sinserong pagtulong at pagtupad sa utos ng Panginoon na tulungan ang mga nangangailangan.


Ang tahimik nilang pagtulong sa maraming tao ay malaking karangalan din sa atin bilang Pilipino dahil hindi nila alintana kahit hindi kaanib ng INC basta nangangailangan ng tulong ay kanilang tinutulungan.


Marami ang hindi nakakaalam na maging ang ilang lokal na pamahalaan ay tumanggap ng karagdagang ayuda kabilang na ang gamot, pagkain at iba pa mula sa Iglesia Ni Cristo upang mapagaan ang kanilang sitwasyon na matulungan ang kanilang nasasakupan.


Isa sa mga tatak at pamana ni Ka Eduardo ay ang pagkakatayo ng Philippine Arena sa Bulacan sa panahon ng kanyang pamamahala na noong nakaraang taon ay ipinagamit nila bilang mega facility para sa mga positibo sa COVID-19 nang walang bayad at muli na namang gagamitin para sa Lingap Sa Mamamayan.


Ang mga medical frontliner na halos sumuko na sa sitwasyon ay binigyan ng libreng tirahan na air condition pang bunkhouse, maging ang pagkain at lahat ng personal na pangangailangan ay walang bayad na sinagot ding lahat ng Iglesia Ni Cristo.


Walang halong pulitika o kahit anumang pagpapaimbabaw ang hatid na tulong ng Iglesia Ni Cristo na malaking bahagi ng pagdiriwang para gunitain ang kaarawan ni Ka Eduardo sa buong mundo.


Marahil kung buhay lamang si Ka Felix Y. Manalo, ang Huling Sugo sa huling araw na siyang nagtala sa Pilipinas ng Iglesia Ni Cristo noong Hulyo 27, 1914 ay buong giting nitong ipinagmamalaki ang kasalukuyang pamamahala ni Ka Eduardo.


Nakatutuwa na sa gitna ng kahirapan ng maraming bansa sa mundo dahil sa pandemya ay may kapatirang tulad ng Iglesia Ni Cristo na ang hatid lamang ay panibagong pag-asa, dahil sa tunay, hindi nagsasawa at walang kapagurang pagtulong.


Bukod sa paghahatid ng mabuting balita sa kapwa tao sa mundo ay wala naman silang ibang hangad kung hindi ang mapalaganap ang mga salita ng Diyos na siyang magiging gabay tungo sa kaligtasan ng lahat ng mga kaanib at sa mga nais pang umanib sa Iglesia Ni Cristo.


Agosto 3, 2009 nang sumakabilang buhay si Ka Erano G. Manalo at dito nagsimula ang pagkakatalaga kay Ka Eduardo bilang Executive Minister ng Iglesa Ni Cristo at patuloy itong nanunungkulan hanggang sa kasalukuyan.


Kamakailan, nagdiwang ng ika-11 anibersaryo si Ka Eduardo sa kanyang pagkakatalaga bilang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo at sa panahon ng kanyang panunungkulan ay lalo pang lumakas at dumami ang kanilang hanay.


Hindi talaga matatawaran ang napakalaking naiimbag ni Ka Eduardo sa buong Iglesia na

malaking patunay na kailan man ay hindi magbubunga ng masama ang mabuting gawain.


Marami ang nagmamahal kay Ka Edurado kabilang na ang inyong lingkod, sampu ng aking pamilya na palaging nananalangin na sana ay patuloy siyang bigyan ng lakas at talino ng Panginoon upang mas lalo pang mapag-ibayo ang kaligtasan ng maraming kaluluwa sa sanlibutan.


Nawa ay mas marami pang makabuluhang kaarawan ang dumating sa buhay ninyo Ka Eduardo at mas marami pa ang mahandugan ng tulong sa buong mundo. Happy Birthday!


Anak Ng Teteng!



May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page