Search
  • BULGAR

Pagbubukas ng mga sinehan, ‘wag ipilit kung hindi pa handa

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | February 18, 2021



Umalma agad ang mga alkalde ng iba’t ibang lungsod ng Metro Manila sa desisyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na payagang magbukas ang mga sinehan at amusement arcades.


Dalawa hanggang tatlong oras ang bawat sine kung saan ang mga manonood ay mananatili sa kulob na lugar na tila walang dumadaloy na bentilasyon. Kaya kung sila ang tatanungin, hindi na muna papayagang magbukas ang mga sinehan. Kinukuwestiyon na rin ng ilang senador ang desisyon ng IATF na tila mas importante pang buksan na ang mga sinehan at palaruan imbes na ang mga paaralan. Kaugnay nito, nagkasundo na ngayon na lamang Marso ito papayagang magbukas.


Sa totoo lang, magbukas man ang mga ito ay hindi tayo makasisigurong safe tayo sa COVID-19. Hindi pa tapos ang pandemya. Tatlong araw na ngang mahigit isang libo ang nagpositibo sa bansa para sa COVID-19.


Gusto nating bumalik na sa normal ang buhay, pero kailangan nating mag-ingat. Batid nating maraming negosyo ang umaalma na at nais buksan nang husto ang ekonomiya. Pero wala pang bakunang pumapasok sa bansa. Tila mas marami pang pribadong kumpanya at lokal na pamahalaan ang kumikilos para makakuha ng bakuna imbes na ipaubaya na lang sa administrasyon.


Hangga’t hindi pa nababakunahan ang target na sitenta porsiyento ng populasyon ay may posibilidad pa ring kumalat ang virus. Isa pa, marami ang hindi sigurado o ayaw munang magpabakuna dahil sa iba’t ibang dahilan. Kailangan itong matukoy ng gobyerno at ibalik ang tiwala sa publiko sa mga bakunang darating.


Nakakagulat na rin ang dami ng tao na nasa labas ngayon. Maraming lugar ang nagbukas na sa publiko. Sabihin na nating marami ang nagpupursigeng sundan ang physical distancing at ang pagsuot ng face mask at face shield pero kapag dumami na ang tao, mahirap na ipatupad ang distansiya sa isa’t isa.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.