Pagbibigay tulong, walang pinipiling lugar at panahon
- BULGAR
- Oct 18, 2024
- 2 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Oct. 18, 2024

Noong Oktubre 16, 2024, halos hindi kami nakausad nang magtungo kami sa lalawigan ng Negros Occidental dahil sa libu-libong residenteng sumalubong sa amin na lahat ay hindi magkamayaw sa pagyakap, paghalik at pagpapakuha ng litrato.
Tumagal ng halos ilang minuto bago namin narating ang entablado, kailangan naming makaakyat sa entablado dahil doon ako magsasalita bago tayo mamahagi ng tulong.
Malaking tulong naman ang ginawang pagsalubong sa amin nina Governor Bong Lacson, E.B. Magalona Mayor Marvin Malacon, Bacolod City Mayor Albee Benitez, kasama na si Abang Lingkod Partylist Rep. Joseph Stephen Paduano, dahil napabilis ang aming pag-usad at natuloy din ang pakikipagpulong ko sa kanila.
Inalam natin kung ano ang mga pangunahing pangangailangan ng buong probinsya na dapat mabigyan ng agarang aksyon.
Nakakataba ng puso ang mainit na pagsalubong ng mga tao at ramdam ko ang kanilang kasiyahan sa aking pagbisita.
Gayundin, dumalaw tayo sa Negros Occidental upang kumustahin at alamin kung ano ang dapat na unahing proyekto at programa, kasabay ng patuloy nating pagsusumikap na magawaran ng tamang suporta at serbisyo ang ating mga kababayan.
Hindi tayo puro pangako o salita lang, ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya upang maihatid ang mga proyektong tunay na may pakinabang sa bawat Pilipino.
Kaya nga umabot sa halos dalawang libong panukalang batas ang ating naisumite at mahigit sa 300 na ang naisabatas at pinakikinabangan ng ating mga kababayan, at marami pa ang mga nakabinbin -- patunay na nais nating ibalik ang tamang serbisyo sa mga kababayan na nagtiwala sa atin para maluklok tayo sa Senado.
Sayang nga lamang at malapit na ang halalan — ayoko sanang makulayan na kaya lamang natin ginagawa ang pagtulong dahil may iba tayong motibo.
Sabagay, mula pa noon hanggang ngayon -- mula nang ako ay maging senador ay regular na tayong naglilibot at bumibisita sa iba’t ibang bahagi ng bansa para magbigay ng tulong -- biktima man ng kalamidad o hindi dahil regular din tayong nagtutungo sa mga lugar na hindi tinamaan ng kalamidad.
May mga staff ako na bumuo ng Bayanihan Relief (BR) Team na walang ginagawa araw at gabi kung hindi ang magbasta ng mga ipamamahagi sa mga lugar na biktima ng kalamidad. Kahon-kahong food packs bukod pa sa cash assistance ang ating inihahanda sa panahong walang kalamidad at kung sakaling dumating ang trahedya ay agad-agad na makapagdadala ng tulong at hindi ‘yung maghahagilap pa ng ipamimigay.
Ngayong malapit na ang midterm elections ay napakahirap nang kumilos, ngunit hindi naman ito hadlang para basta na lamang itigil ang pamamahagi sa mga nangangailangan. Kaya tuluy-tuloy lang tayo kahit ano pa ang kanilang isipin dahil malinis ang ating hangarin.
Sa ating mga kababayan, maaari kayong makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaang nakakasakop sa inyo upang matiyak kung kailan ako nakatakdang dumalaw sa inyong lahat.
Wala tayong pinipiling lugar basta nangangailangan ng tulong ay darating ang inyong lingkod bumabaha man o bumabagyo.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comentarios