ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Oct. 23, 2024
Dear Chief Acosta,
Nagmamay-ari ako ng isang maliit na negosyo rito sa probinsya. Pumunta rito ang asawa ng isa sa aking mga trabahador. Sinasabi niya sa akin na kung maaari ay sa kanya ko na lang idirekta ang pagbabayad ng suweldo ng kanyang asawa. Tinanong ko kung mayroon bang kasulatan ang kanyang asawa na pinapayagan na siya na lang ang direktang kumuha ng sahod ngunit wala siyang maipakita. Sinasabi lang ng asawa ng aking trabahador na siya naman ang nagbabadyet sa kanilang bahay. Maaari ko bang ibigay ng direkta sa asawa ang suweldo ng aking trabahador?
– Andrew
Dear Andrew,
Ayon sa Article 105 ng Labor Code of the Philippines, ang suweldo ng isang empleyado ay kinakailangang direktang ibigay sa empleyado dahil siya ang nagtrabaho katumbas ng sahod na iyon. Ito rin ay pinagtibay at pinalawig ng Section 5, Rule VIII, Omnibus Rules Implementing the Labor Code:
“SECTION 5. Direct payment of wages. — Payment of wages shall be made direct to the employee entitled thereto except in the following cases:(a) Where the employer is authorized in writing by the employee to pay his wages to a member of his family;
(b) Where payment to another person of any part of the employee's wages is authorized by existing law, including payments for the insurance premiums of the employee and union dues where the right to check - off has been recognized by the employer in accordance with a collective agreement or authorized in writing by the individual employees concerned; or
(c) In case of death of the employee as provided in the succeeding Section.”
Malinaw na nakasaad sa nasabing batas na ang suweldo ay dapat direktang ibigay sa empleyadong nagtrabaho para rito. Samakatuwid, ipinagbabawal ng batas na ang isang employer ay magbigay ng sahod sa kung sinumang tao kahit pa ito ay kamag-anak o pinagkakautangan ng empleyado, maliban na lang kung pasok sa mga eksepsyong nakasaad sa batas.
Magkakaroon lang ng karapatan ang employer na ibigay sa ibang tao, maliban sa kanyang empleyado ang sahod nito, kung pasok sa mga eksepsyon. Una, kailangang mayroong kasulatan ang empleyado na pinahihintulutan niyang ibigay ang kanyang sahod sa miyembro ng kanyang pamilya. Pangalawa, kung mayroong batas na nagpapahintulot na kuhanin ang parte ng sahod ng empleyado tulad ng mga bayarin sa union. At sa huli, kung ang isang empleyado ay namatay, maaaring kunin ng kanyang mga tagapagmana ang sahod niya, alinsunod sa batas.
Para masagot ang iyong katanungan, hindi mo maaaring ibigay sa asawa ng iyong empleyado ang sahod ng huli. Base sa iyong salaysay, walang anumang kasulatang ginawa ang iyong empleyado na nagpapahintulot na ibigay ang kanyang suweldo sa kanyang asawa. Samakatuwid, kailangang direkta mo pa ring ibigay ang suweldo sa iyong empleyado.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments